Inihayag ni "Unang Hirit" weather presenter Anjo Pertierra ang tatlong celebrity na babae na mala-"Signal no. 3" ang lakas ang dating sa kaniya. Anong "bagyo" kaya sina Herlene Budol at "Ate Girls" na si Jackie Gonzaga?

Sa nakaraang episode ng "Lutong Bahay," may ipinakitang mga larawan ng mga aktres kay Anjo na dapat niyang iranggo na mula sa "Signal no. 1" o "least attractive" hanggang sa "Signal no. 3," o pinaka-attractive para sa kaniya.

Unang ipinakita ang larawan ni Herlene Budol, sinabi ni Anjo na best friend ang turing niya sa aktres at magkatrabaho sila sa podcast.

inilagay ni Anjo ang larawan ni Herlene sa Signal No. 1.  

"Surpisingly guys, si Herlene Budol, complex din siyang mag-isip. Maiintindihan man ni Herlene kapag inilagay ko siya sa 1. Herlene, sorry!" sabi ni Anjo.

Sa Signal No. 1 din niya inilagay ang larawan ni Lexi Gonzales, na nakatrabaho niya sa Regal Studio Presents.

"Mabait ito, tropa 'to si Lexi, sobra," sabi ni Anjo na ipinaliwanag din na inilagay ang aktres sa Signal No. 1 bilang paggalang sa nobyo ni Lexi na si Gil Cuerva.

Si Faith Da Silva naman, na nakasama niya sa TiktoClock, inilagay niya sa Signal no. 3.

"Ang ganda rin ni Faith. Tsaka matangkad si Faith. Tsaka funny siya. Wala bang Signal no. 5?" hirit ni Anjo.

Si Shaira Diaz naman, na kaniyang kasama sa Unang Hirit, inilagay niya rin sa Signal no. 3, dahil malapit sa kaniya ang aktres.

"Surprisingly sobrang bilis naming naging close tatlo, ako, si Kaloy (Tingcungco), si Shaira. Kaya Shaira Diaz, bes, mars, para sa 'yo ito, dito ka (Signal no. 3)," ani Anjo.

Pinaranggo rin sa kaniya ang "It's Showtime" host na si Jackie Gonzaga, na nagpakilig sa kaniya nang mag-guest ito sa Unang Hirit.

"Kailangan ko pa bang i-explain? Basta 'yun, si Jackie, dito siya sa number 3," sabi ni Anjo. "Mabait si Jackie, tsaka sobrang professional niya."

Gayunman, sa Kitchenterrogate segment ng programa, inamin ni Anjo na mayroon nang nagpapatibok sa kaniyang puso pero hindi niya na ito pinangalanan.

"Walang name reveal. Next time ulit. Happily in love," saad niya.-- FRJ, GMA Integrated News