Ikinuwento ni Sheree Bautista kung papaano siya natulungan ni Patricia Javier para makapasok sa showbiz mula sa pagiging singer sa Cagayan de Oro, at naging miyembro ng dating sikat na grupong Viva Hotbabes.
Sa cooking talk show na Lutong Bahay, sinabi ni Sheree na bago siya nakilala bilang artista at miyembro ng Viva Hotbabes, una muna siyang naging singer sa probinsiya at miyembro ng isang banda.
"Singer talaga ako before sa isang band," saad ni Sheree. "Tapos umiikot yung mga sundalo. One time may isang soldier dun nakapanood siya ng show ko, sabi niya igi-guest niya ako sa isang show na front act sa mga artist na galing Manila."
Habang nagtatanghal siya sa show, sinabi ni Sheree na hindi niya alam na nanonood pala ang aktres na noon na si Patricia Javier habang nasa sasakyan.
Nagustuhan umano ni Patricia ang kaniyang boses.
Dahil idolo ni Sheree si Patricia, hinanap raw niya ito at pinuntahan.
"After nung event hinananap ko talaga siya, pinuntahan ko. Sabi niya sa akin alam mo ang ganda ng boses mo timing na timing na naghahanap sila ng artist na ibi-build up. Pina-fly niya ko from here to Manila para mag-audition," sabi pa ni Sheree.
Habang nasa Maynila, sinabi ni Sheree na pinatira siya ni Patricia sa bahay nito.
"Nung dinala nila ako sa Viva, sabi ni Boss, tamang-tama kasi nagbubuo kami ng group, kailangan namin ng singer," dagdag pa ni Sheree na Viva Hotbabes ang nasabing grupo.
"Parang 'yon yung naging role ko sa buhay nila...bokalista ng hot babes," ayon kay Sheree.
Sa isang segment, tinanong ng host ng programa na si Mikee Quintos si Sheree na kung may miyembro ng Hotbabes ang gusto niyang alisin, sino ito?
Sinagot ni Sheree na si Jen Rosendahl ang kaniyang aalisin. Alamin sa buong panayam sa video kung bakit. -- FRJ, GMA Integrated News
