Bukod sa kaniyang ama na si Joey de Leon, inilahad din ni Keempee de Leon ang pagkakaayos nila ng kaniyang stepmom na si Eileen Macapagal. Aminado rin ang aktor na dumating siya noon sa panahon na "broke” na siya.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, emosyon na ibinahagi ni Keempee ang muli niyang pagtapak sa bahay ng kaniyang ama na si Joey at stepmom na si Eileen.
Kuwento ng aktor, kaarawan noong Setyembre ni Eileen nang imbitahan siya na pumunta sa bahay para mananghalian.
Nangyari ito matapos na puntahan ni Keempee ang ama na si Joey habang nasa isang nootime show para makipag-ayos at batiin sa pagdiriwang ng "Father's Day" ang kaniyang ama.
BASAHIN: Keempee, emosyonal na ikinuwento ang pagkakaayos nila ng amang si Joey
Kuwento ni Keempee, hindi kaagad siya nakababa ng sasakyan para pumasok sa bahay dahil sa nakaramdam siya ng hiya.
“Hindi pa ako makababa, kasi 'yung hiya ko na first time ko ulit aapak dito sa bahay nila daddy. I don't know kung ito naman kakaharapin ko 'yung buong pamilya ko. Anong reaction, anong welcome na maigagawa,” ayon kay Keempee na idinaan sa dasal ang paghingi niya ng kababaan ng loob.
Pagbahagi ni Keempee, hindi na rin umano napigilan nina Eileen at kaniyang kapatid na si Jocas na maiyak nang makita siya.
“Tagal mo kasing nawala, kuya,’” sabi ni Jocas sa kaniya. “Doon pala lang, nag-sorry na ako sa lahat. Sabi ko, Sorry, tita.’ Lahat kami nagkapatawaran.”
Muling humingi ng tawad sa ama
Ayon kay Keempee, habang nasa bahay ay may iniabot umanong sobre sa kaniya ang amang si Joey na naglalaman ng pangtulong sa kaniya.
Tinanggihan umano ito ni Keempee dahil ang tanging nais niya sa pagpunta sa bahay ay maisaayos muli ang relasyon niya sa ama at sa pamilya niya.
“”Alam niyo po mga kaibigan, very generous po. Thankful ako sa tatay ko. Kahit wala kang hinihiling, ibibigay niya kahit hindi mo kailangan. Since nag-work ako, wala po akong hinihingi sa tatay ko unless magbigay siya. Thankful ako. Blessing ‘yun,” ani Keempee.
Dagdag niya, “Sabi ko hindi ko kailangan.’ Ako 'yung nahihiya, Tito Boy. Kumbaga, ‘Dy [Daddy], hindi ito 'yung pinunta ko dito. Dy, gusto ko maging okay lang tayo.’ Hanggang sa niyakap ko na lang, nag-sorry na lang talaga.”
Sinulit umano ni Keempee ang pagkakataon na iyon para humingi ng tawad sa ama dahil sa kaniyang pagiging ma-pride.
“Sabi ko ‘Sorry sa lahat na nagawa ko. Kasi ‘yung pride ko, 'yung umiral sa akin ang pride ko. Isa ‘yun sa kasalanan na ayaw ng Diyos talaga, 'yung pride. Kailangan kong tanggalin,’” patuloy niya.
“Hindi ako bumibitaw, sabi ko, ‘Hindi ko kailangan ‘yan. Mas kailangan ko 'yung tayo. Mas okay 'yung mag-reconcile tayo, maging maayos na ‘to kasi ako rin ‘yung nahihirapan. Malaki 'yung kasalanan ko sa'yo, sa pamilya. Ako na 'yung nagpapakumbaba. Sorry, sorry talaga.’ Sabi ko, ‘Sorry talaga, hindi ko bumibitaw,’” dagdag niya.
Nakuha naman daw niya ang patawad ng ama at wala raw siyang ibang nais na gawin noon kung hindi yakapin ang ama na matagal niyang hindi nakita.
Sa huli, muli umanong inalok ni Joey ang ibinibigay nitong tulong sa kaniya, at hindi na niya ito tinanggihan.
Inamin ni Keempee na may mga panahong “broke” siya o kinakapos sa panggastos.
“Kung tutuusin Tito Boy dumating ako sa time na talagang I was broke. I don't know. I just, living it all… Hindi ko alam kung paano ako naka-survive?,” paglalahad ng aktor.
Labis ang pasasalamat niya sa Diyos dahil nagkaayos na sila ng kaniyang ama na kaniyang ipinagdasal.
“That whole time na nangyari po sa akin, hindi ko na po plano 'yun. Plano na po ng Diyos na mangyari po lahat 'yun. So, I owe everything to Him talaga,” ani Keempee.--FRJ, GMA Integrated News
