Inilahad ni Mikee Morada na muling nakaranas ng miscarriage sa ikatlong pagkakataon ang kaniyang kabiyak na si Alex Gonzaga noong Disyembre.
Sa pinakabagong vlog ni Toni Gonzaga, sinabi ni Mikee na hindi nila inaasahan ang ikatlong pagbubuntis na iyon ni Alex.
“To be honest, kami ni Catherine (Alex), noong nalaman namin na pregnant siya, hindi namin talaga akalain, wala kaming plano,” saad ni Mikee na konsehal ng Lipa City.
“Ang plano namin, baka posibleng mag-prepare muna ng katawan, IVF, pero naturally pa rin, gusto naming subukan,” dagdag niya.
Kuwento ni Mikee, nang ma-delay ang buwanang dalaw ni Alex, nag-pregnancy test ang aktres at positive ang naging resulta.
Kasunod na nito ang regular checkups nila sa OB/GYN. Ngunit sa ikatlo nilang pagbisita sa duktor, nakita na ang komplikasyon sa kaniyang pagbubuntis.
“Doon sa pangatlong linggo, wala na namang laman, blighted ovum ulit,” saad niya.
“Bumagsak ulit [yung pakiramdam namin], pero mas kaya compared doon sa una kasi nakailan na kami eh,” dagdag niya.
Sa kabila nila, sinabi ni Mikee na kumuha sila ng second opinion sa ibang OB/GYN, at lumitaw na may heartbeat sa ultrasound ng baby.
“Pagdating namin sa ultrasound na ‘yun, merong bata sa loob, may baby sa loob,” ani Mikee.
“Naiyak ako noong narinig ko 'yung heartbeat,” patuloy niya. “First time kong nakarinig ng heartbeat.”
Gayunman, sinabi ni Mikee na may kompikasyon din sa heartbeat na kanilang nadinig na mas mababa umano kumpara sa average range ng heartbeat.
“Nalaman namin na mababa ‘yung heartbeat, 65 lang, so that same day, pumunta kami sa hospital, tinry naming habulin, baka ma-save pa 'yung baby, ginawa naming lahat,” sabi pa niya.
Ilang araw pa ang lumipas bago nila nakuha ang final confirmation noong huling bahagi ng December.
“Noong December 28, hindi ko makakalimutan ‘yun. Nakita na namin agad ‘yung embryo, pero wala na siyang heartbeat,” ani Mikee.
Dahil dito, nakumpirma na ang ikatlong miscarriage ni Alex, na ang dalawang nauna ay nangyari noong 2021 at 2023.
Sa kabila nito, sinabi ni Mikee na ang naturang karanasan ay lalong nagpatatag sa relasyon nila ni Alex bilang mag-asawa.
“At the end of the day, kahit anong mangyayari, biyayaan man tayo o hindi, kahit tayong dalawa lang magkasama, okay lang,” sambit umano niya kay Alex.
Sa isang Facebook post, inihayag ni Alex na, "Celebrating my birthday this year with a heavy heart but always remeber that sadness is temporary."
Taong 2021 nang ikasal sina Alex at Mikee, isang taon makaraan silang maging engaged. — mula sa ulat ni Hermes Joy Tunac/FRJ, GMA Integrated News

