Inamin ni Karla Estrada na naapektuhan siya sa mga masasakit na salitang ibinato ng ilang tao laban sa kaniyang anak na si Daniel Padilla, na bunga nang paghihiwalay ng aktor at dati nitong nobya na si Kathryn Bernardo.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, inamin ni Karla na muntik na siyang "bumigay" sa naturang kontrobersiya na pinagdaanan ng kaniyang anak na si Daniel.

“I think 'yung paghihiwalay kasi sa kanila ni Kathryn 'yun eh. Sila naman ang nakakaalam talaga at sila naman magre-resolba kung ano man 'yung dahilan ng paghihiwalay at doon sa nangyaring hiwalayan,” panimula ni Karla.

“Pero 'yung salita ng tao na halos hindi mo na makain at sobrang kabastusan, medyo 'yun ang hindi ko na kinakaya. Hindi ko kinakaya na parang ikamamatay ko ha. Hindi ko na halos kayanin na kailangan ko nang hanapin 'yung mga taong ganu'n magsalita at isa-isahing sagutin,” saad ng aktres.

Sa huli, ipinaubaya na ni Karla kina Daniel at Kathryn na harapin ang kanilang pinagdadaanan.

“But of course, kinakausap kita, kinakausap ko ang ating mga ibang kaibigan, kaya ang pinakamaganda nating ginawa ay ipaubaya du'n sa dalawa,” sabi ni Karla.

Taong 2023 nang maghiwalay sina Daniel at Kathryn matapos ang 11 taon nilang relasyon.

Nang maging bisita sa Fast Talk with Boy Abunda noong nakaraang taon, sinabi ni Kathryn na wala siyang pinagsisisihan sa 11-taong relasyon nila ni Daniel.

"You know, nothing. I don’t regret anything. Ayoko siyang pangunahan. I want her to experience all the happiness, all the pain,” saad ng aktres na inilarawan na “beautiful years" ang panahon ng naturang relasyon at nakatulong ito kung sino siya ngayon.

"Ang laking part ‘non ‘yung 11 years na ‘yon," saad niya. "Kung nandiyan si little Kath, ang sasabihin ko ‘you know, ayaw kitang pangunahan. I want you to experience all of these emotions, all of these things kasi it’s gonna be a big part of your growth.'" -- FRJ, GMA Integrated News