Binitawan ni Krizza Gilliam Yco ang kaniyang korona bilang Miss Universe Philippines - Pampanga 2025, na epektibo nitong Enero 30, ayon sa Miss Universe Philippines - Pampanga Organization.

Ayon sa pahayag ng organisasyon, nagdesisyon si Krizza na bitiwan ang kaniyang titulo para bigyan ng prayoridad ang kaniyang pag-aaral.

"We are filled with admiration for Krizza's courage to put her future first, and we will forever cherish the memories and the grace she brought to her reign as our queen," saad ng organisasyon.

Nagpahayag din ang organisasyon ng buong suporta nito sa kaniyang desisyon, at idinagdag na patuloy nila itong susuportahan, "cheering her on in every new chapter of her life, celebrating her victories and supporting her dreams!"

Kinoronahan si Krizza bilang Miss Universe Philippines - Pampanga 2025 sa grand coronation night noong Enero 24.

Si Ira de Castro ang naging 1st runner-up, na sinundan ni Mhariel Atis (2nd runner-up), Sarah Bonifacio Bakhit (3rd runner-up), at Rhancoise Mayangitan (4th runner-up).

Ang nagwagi sa Miss Universe Philippines - Pampanga ang kakatawan sa probinsya sa susunod na Miss Universe Philippines pageant.

--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News