Sa episode ng “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Lunes, inamin ni Ashley Ortega na may relasyon sila ni Mavy Legaspi.
“I think it’s obvious naman na. Yes,” sagot ni Ashley nang tanungin ni Tito Boy kung sila na ba ni Mavy.
Ayon kay Ashley, bagaman matagal na silang magkakilala ni Mavy, noong nakaraang taon lang sila lumabas na dalawa.
“Mga bata pa kami noon eh. I think when he started signing a contract sa Sparkle but we started hanging out more last year. Tapos doon ko talaga siya nakilala,” saad ni Ashley na nilinaw din na mas nakilala nila ang isa't isa noong naghiwalay na ang aktor at si Kyline Alcantara.
“I think it started na parang there was a one night kasama 'yung mga friends namin so doon ko siya nakilala. Then nagtuloy-tuloy na, and then he asked me out if we can have lunch or dinner together just to get to know each other. Then nagtuloy-tuloy na,” pagbahagi ng aktres.
Paglalarawan ni Ashley kay Mavy -- very well mannered guy, thoughtful at generous.
“'Di naman kasi ako ma-grandeng tao na kailangan ng flowers or surprises or whatsoever. Ano lang talaga more on conversational lang talaga,” saad niya.
Ipinakilala na rin umano siya ni Mavy sa mga magulang nito na sina Zoren Legaspi at Carmina Villarroel.
Pero ayon kay Ashley, nakatrabaho na rin niya sa magkaibang proyekto noon sina Zoren at Carmina.
Inilarawan niya na "very welcoming" sa kaniya ang pamilya ni Mavy, at inimbitahan siyang mag-dinner noong Pasko.
Umugong ang pagkakamabutihan nina Mavy at Ashley noong Enero nang makita silang magkasama sa Sinulog Festival.
Naging nakarelasyon ni Mavy si Kyline, habang 2023 nang maghiwalay naman sina Ashley at Lucena City mayor Mark Alcala. —FRJ, GMA Integrated News