Pumanaw na sa edad na 65 si Margarita Fores, restaurateur at chef na siyang nasa likod ng ilang kilalang restaurant sa bansa tulad ng Cibo, Lusso, at Grace Park.
Kinumpirma ng anak niyang si Amado sa social media nitong Martes ang malungkot na balita tungkol sa nangyari sa kaniyang ina.
"It is with a heavy heart that I share the sudden passing of my Mom, Margarita A. Forés," saad ni Amado sa Instagram post.
"Our family is mourning this unexpected loss, and we kindly ask for your prayers during this time. We will be able to share more in due time," dagdag niya.
Taong 1997 nang buksan ni Margarita ang Italian restaurant na Cibo. Nasundan pa ito sa mga sumunod na taon ng mga restaurant gaya ng Pepato, Lusso, Grace Park, pati na ang catering business na Cibo de M.
Noong 2016, itinanghal si Margarita na Asia's Best Female Chef. — FRJ, GMA Integrated News