Matapos ang engagement nila noong 2023, inamin ng aktor na si Sam Milby na hiwalay na sila ni Miss Universe 2018 Catriona Gray.
Ginawa ni Sam ang pag-amin sa ABS-CBN News matapos ang halos isang taon na paghihinala ng fans ng netizens. Gayunman, sinabi ng aktor na "okey" sila ng kaniyang dating nobya.
Nakatuon umano ang kaniyang atensiyon ngayon sa trabaho.
Nilinaw din ni Sam hindi totoo na sangkot ang singer na si Moira Dela Torre sa hiwalayan nila ni Catriona.
"There is no truth to it at all," ani Sam. "Sobrang close kami before, and I guess people wanted to connect our closeness to may nangyari sa amin."
"We are not friends anymore," dagdag niya.
Taong 2020 nang ilahad nina Sam at Catriona sa publiko ang kanilang relasyon. Tatlong taon makaraan nito, naging engaged ang dalawa.
Pero nitong nakaraang taon, napansin ng netizens na hindi na suot ni Catriona ang kaniyang engagement ring sa kaniyang mga post.
Lalo pang nagduda ang netizens at kanilang followers na may problema sa relasyon ng dalawa nang burahin ni Catriona ang engagement photos nila ni Sam.
Kasunod nito, naglabas ng pahayag ang Cornerstone Entertainment, at sinabing nahaharap sa pagsubok ang relasyon nina Sam at Catriona.
Kasama si Sam sa movie nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado na "Everything About My Wife."--FRJ, GMA Integrated News

