Isa sa mga nakakakilig na kanta ng Filipino singer at songwriter na si Martin Nievera ang "Each Day with You," na tungkol sa isang indibiduwal na hinahangad ang kaniyang iniibig. Ang composer nito, isang opthalmologist sa Metro Manila.

Sa panayam ng Dobol B TV, ikinuwento ng opthalmologist na si Franklin Paul Kleiner MD, na isa niyang kaibigan ang nagsulat ng lyrics ng kanta, habang siya naman ang naglapat ng himig nito.

"Noong time na 'yun siya ang nagsulat ng lyrics na 'yan and then ibinigay niya sa akin and ako naman ang naglagay ng melody," sabi ni Kleiner.

"Since maganda 'yung labas, in those days, since it was like a ballad, naisip naming ibigay kay Martin," pagpapatuloy niya.

Matapos nito, naisip ng magkaibigan na iparinig ito sa manager ni Martin na si Gina Tabuena.

"Nagustuhan naman ni Gina, and she said they would like to include it in his next album," sabi ni Dr. Kleiner.

Bukod dito, inilahad din ni Dr. Kleiner na siya rin ang composer ng "Ako ay Ikaw Rin" ni Nonoy Zuñiga. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News