Ikinasal na ang volleyball star na si Michele Gumabao sa kaniyang longtime partner na si Aldo Panlilio.

Ginanap ang kanilang pag-iisang dibdib ng dalawa sa Makati nitong Martes, na makikita sa Instagram posts ng volleyball player na si Jessica Galanza, na kabilang sa mga sumaksi.

Sa Facebook, ibinahagi rin ni Michele ang larawan na suot ang bridal gown ng gawa ni Jaggy Bridal.

"Today’s the day! The first day," saad niya sa caption.

Bago ang kasal, nagsagawa ng masayang bridal shower para kay Michele bilang pagpapaalam sa kaniyang pagiging single.

Agosto noong nakaraang taon nang maging engaged sina Michele at Aldo.

Naglalaro si Michelle para sa Creamline Cool Smashers sa Premier Volleyball League (PVL). Noong 2018, sumali siya sa Binibining Pilipinas, at kinoronahan bilang Binibining Pilipinas Globe 2018.

Sumali rin siya sa Miss Universe Philippines noong 2020 at naging 2nd runner-up siya.

Si Michelle ay kapatid ng aktor na si Marco Gumabao, at ama nila ang dating aktor na si Dennis Roldan. —FRJ, GMA Integrated News