Itinuturing ni Kris Aquino na "perfect" ang panahon sa unang pagkakataon niya na muling makita ng publiko, na nataon sa pagdiriwang ng EDSA People Power anniversary.
Matatandaang dumalo ang Queen of All Media sa katatapos lang na People of The Year 2025 awards night ng PeopleAsia magazine upang suportahan ang isa sa mga awardees na si Michael Leyva, na kaibigan niya.
"I actually thought today was the 24th, tomorrow pa' yung 25," sabi ni Kris sa isang Instagram Reel na ipinost ng PeopleAsia.
"Michael was the one who told me. So, sabi ko, 'Perfect! What a perfect coming out'," sabi pa ni Kris.
Dumalo si Kris sa event suot ang dilaw na pang-itaas, floral skirt, at pink na blazer. Nakasuot din siya ng dilaw na face mask at isang pares ng pink na eyeglasses.
Naging mabilis din ang pagdalo ni Kris sa naturang pagtitipon. Kasama niya noon ang anak na si Bimby.
Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA Integrated News, sinabi ni Kris na si Michael ay isa sa mga palaging sumusuporta sa kaniya.
"There are people who would say 'I'll be there for you,' or 'maaasahan mo ako' but Michael has proven so many times, and in so many ways," sabi niya.
Bumalik sa Pilipinas mula sa Amerika si Kris noong Setyembre 2024. Kamakailan lang, sinabi ni Kris na mayroon na siya ngayong pitong autoimmune diseases. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
