Ipapalabas na ang kauna-unahang Viu Original ng GMA Network na "Slay." Pero magiging magkaiba ang ending nito sa telebisyon at sa naturang streaming platform.

Sa ulat ni Aubrey Carampel, sinabi ni GMA Network Inc. Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes, na kauna-unahan itong gagawin ng Kapuso network para sa isang proyekto na may magkaibang ending.

"One version on Viu, one version on TV. Magkaiba 'yung ending natin kaya kailangang abangan ang parehong versions," saad niya.

Inilarawan ni Viu Philippines Head of Content na si Garlic Garcia na campy, fun, scandalous, and fiery. ang naturang murder-mystery-drama series.

"Be ready to slay! Watch it first on Viu. Starting March 3, mapapanood n'yo po nang libre. And then after three weeks, mapapanood po sa GMA," ani Garcia.

Kabilang sa mga pangunahing karakter sa serye sina Julie Anne San Jose, Gabbi Garcia, Mikee Quintos, at Ysabel Ortega.

"Ito siguro 'yung pinaka-interesting para sa akin na napunta sa aking role kasi ibang-iba siya sa kung ano ako as a person," ani Julie Anne.

Ikinatuwa naman ni Gabbi na mga babae ang main cast sa serye.

"We're working together with our friends, so kitang-kita 'yung chemistry on screen," sabi ng aktres.

Ayon naman kay Mikee, "Wala akong nararamdaman na negative competition sa mga 'to."

Patikim naman ni Ysabel tungkol sa kanilang mga karakter, "I love na we all look seemingly innocent pero may tinatago rin pala kaming mga sikreto and ano 'yung mga reasons kung bakit makakapatay ng tao ang isang babae?"

Kasama rin sa  "Slay" sina Royce Cabrera, Jay Ortega, Gil Cuerva, Phoemela Barranda, Tina Paner, Chuckie Dreyfus, Simon Ibarra, at si Derrick Monasterio, bilang si Zac, ang karakter na papaslangin at magiging palaisipan kung sino ang nasa likod ng pagpatay sa kaniya.—FRJ, GMA Integrated News