Sa isang segment ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, sinabi ng King of Talk na nagtungo sa Cebu ang dating aktres na si Lindsay Custodio dahil sa reklamong cyber libel na isinampa laban sa kaniya ng kaniyang non-showbiz husband.

Ang kaso ay kaugnay umano ng isang artikulo na inilabas ng Pep.ph noong 2022 na inilahad ni Lindsay ang umano'y traumatic experience na kaniyang naranasan sa mismong araw ng kanilang kasal.

Nakasaad umano sa naturang artikulo na sinabi ng aktres na bago sila pumunta sa wedding reception ay pinilit umano ng kaniyang asawa na dumaan sila sa bangko dahil sa mga regalong tseke pati na ang pera mula sa kaniyang personal account at sa kanilang joint account.

Ang mga natanggap na cash gift umano ipambayad ng kaniyang asawa sa kanilang wedding expenses.

Sinabi ni Tito Boy na nagtungo sa Cebu si Lindsay dahil doon isinampa ng kaniyang mister ang reklamo.

Inihayag din ng King of Talk na nakausap niya si Lindsay bago magsimula ang programa at sinabi nga ng aktres na shocked at disappointed siya sa ginawa ng kaniyang asawa.

Sa kabila nito,  tiwala umano ang aktres na alam ng kaniyang mister ang buong katotohanan.

“Nakakalungkot na 'yun ang ginawa niya. [I am] very disappointed, siyempre, pero okay lang po kasi what I have is the truth naman. I was shocked tsaka disappointed na 'yun ang ginawa niya though alam naman niya in his heart kung ano ang nangyari talaga,” saad umano ni Lindsay na ipinakita sa programa.

Sinabi rin ni Tito Boy na nauna nang nagsampa ng reklamong perjury ang mister laban kay Lindsay sa Muntinlupa Prosecutor's Office pero ibinasura ito ng piskalya.

Nagsampa naman si Lindsay noong nakaraang taon ng reklamong paglabag ng anti-violence against women and children laban sa kaniyang asawa pero ibinasura din ng Muntinlupa Prosecutor's Office.

Sa artikulo ng Pep.ph nitong Miyerkoles, sinabing nagsampa rin ng cyberlibel complaint laban sa Pep.ph at Smart Parenting ang estranged husband ni Lindsay, kaugnay pa rin sa naturang artikulo.-- FRJ, GMA Integrated News