Sa isang episode ng vodcast na “Your Honor,” may inamin sina Faith da Silva at Buboy Villar tungkol sa kanilang damdamin para sa isa't isa. Bakit tila pinagtagpo ang dalawa pero hindi itinadhana? Alamin.
“Sa lahat ng mga artista na pumorma sa akin, meron kasi akong isang hinintay talaga ng medyo matagal. Hinihintay ko lang siya na magtanong,” pag-amin ni Faith sa vodcast na host sina Buboy at Tuesday Vargas.
Naintriga si Tuesday kung sino ang tinutukoy ni faith kaya pinabulong niya sa aktres kung sino ang lalaking hinintay niya.
Naging interesado rin si Buboy na malaman kung sino ang lalaki kaya tumayo siya at lumapit kay Faith.
Pero hindi na ibinulong ni Faith ang sinabi niya kay Buboy.
“Ikaw,” sabi ni Faith kay Buboy, na ikinakilig ng mga tao sa studio.
Kuwento ng Sparkle actress, “Hindi kasi noong bata pa lang kami nito ni Buboy, hindi ko talaga alam kung natatandaan niya [Buboy]… magkaibigan na kami siguro 7 o 8-years-old. Tapos merong mga artisa na parang pinagtitripan-tripan kami. Tapos sinabi nila sa akin na i-kiss ko raw si Buboy dito (pisngi), e 8 years old pa lang kami.”
“Kiniss (kiss) ko siya tapos kilig na kilig talaga ako. Grabe,” pag-amin ni Faith.
Si Tuesday, sinabing matagal na niyang gustong matuloy ang tandem nina Buboy at Faith na “BuFaith,” at umapelang gawin na itong totoo.
“Happy na ako para sa kaniya,” sabi ni Faith patungkol sa lovelife ngayon ni Buboy.
“I mean, like, sinasabi ko lang na may dumating 'yung point na even like 'yung mga ibang tao, parang tinatanong ako na, ‘Talaga ba? Akala ko kasi parang tropa-tropa lang kayo,’” ani Faith.
Dahil sa pag-amin ni Faith, umamin na rin si Buboy tungkol sa kaniyang nararamdaman sa dalaga.
“Alam niyo naman na honest akong tao, ‘di ba? Sobra, sobra. Kung ano kami ni Faith… kung ano talaga ako sa kaniya noon, walang halong kaplastikan ‘yun, gustong gusto ko talaga si Faith,” sabi ni Buboy.
“Sa sobrang gusto ko si Faith, napangunahan lang talaga ako ng kaba. At sobrang, alam mo ‘yung parang, siguro question ko din ‘yung sarili ko. Na parang, sasapat ba ako sa isang Faith da Silva?” dagdag ni Buboy.
BASAHIN: Buboy Villar, inaming crush si Faith Da Silva
“Kaya ngayon, mas pinili ko na suportahan kita kahit anoman ang decision mo sa buhay, mas gusto ko na nandito lang ako para sa'yo,” pag-amin ni Buboy kay Faith.
Para kay Buboy, isang blessing na nakatrabaho niya si Faith.
Inilahad naman ni Faith kung bakit hindi humantong sa relasyon ang pagtitinginan nila ni Buboy.
“I think, noong time na 'yun, alam naman namin both eh. Pero siguro, nagiging ano lang kami, nagpapaka-professional lang din kami. Tsaka gusto namin, siguro more than anything kasi, gusto namin protektahan ‘yung friendship. Kasi ang lalim ng friendship na ‘yon,” anang dalaga.
Para kay Faith, manghihinayang siya kapag nasira ang magandang pagkakaibigan nila ni Buboy.
“Ang lungkot ‘pag nangyari ‘yon. Kaya ang masasabi ko lang, happy naman ako para sa'yo, Boy,” mensahe ni Faith kay Buboy.
“Happy din ako para sa'yo, Faith. At happy ako sa kung ano meron tayo ngayon,” tugon naman ni Buboy kay Faith.
Si Tuesday, tila nagulat sa aminan ng dalawa.
“Hindi ko ito in-expect!” natatawang sabi ni Tuesday. "Nagsimula kami sa usapang ganda, biglang naging Valentine's show na. Para naging dating game. Ano nangyari?” -- FRJ, GMA Integrated News
