Inihayag ni Jak Roberto ang kaniyang excitement ngayong tuloy-tuloy na ang pagpapagawa sa kaniyang dream house.

Sa kaniyang latest vlog, ipinasilip ni Jak ang mga ginagawa sa kaniyang bagong bahay na kinabitan na ng mga pinto, bintana, air conditioners at strip lights.

Nag-shopping din si Jak para sa ilang mga kagamitan sa banyo, gaya ng modernong toilet, at digital showerhead para sa kaniyang mga magulang.

"Grabe totoo talaga ang sinabi nila, mahirap talaga magpagawa ng bahay pero sobrang nakaka-excite na guys! Ang dami nang nagdaan na pagsubok! Wala nang sukuan to!" sabi ni Jak sa kaniyang description.

Sinimulan ni Jak ang pagpapatayo ng kaniyang dream house noong 2022.

Bukod sa showbiz, ibinida rin ng aktor ang negosyo niya na skin care products na panglalaki pero puwede rin sa mga babae, at ang pinakamabente umano ay ang "masculine" wash.


--FRJ, GMA Integrated News