Nagbigay ng payo ang singer-comedienne na si Kakai Bautista sa mga katulad niyang single tungkol sa lovelife.
“Kasi nga guys, ang ikli ng buhay naman. Go lang nang go, pero huwag mong kalilimutang maging responsible and mahalin mo rin ang sarili mo,” sabi ni Kakai sa nakaraang episode ng vodcast na “Your Honor.”
“Nakalilimutan kasi natin eh. Go lang nang go, hindi ka naman responsable. O ‘di lahat ng nakapaligid sa ‘yo, pisti ka sa buhay nila, pabigat ka, salot ka,” pagpapatuloy niya.
“So dapat go nang go pero responsible,” ayon pa kay Kakai.
Samantala, inilahad ni Kakai na bukas siya kung sakaling foreigner ang kaniyanag magiging nobyo.
“Kasi dati, ayaw ko pang tsumika sa AFAM. Ngayon gusto ko nang tsumika,” sabi niya.
Inilahad niya ang kaniyang kondisyon sa mga foreigner na susubukan siyang ligawan.
“Ang sinasabi ko lang lagi sa mga AFAM, if you want to date me or see me, you have to go to the Philippines. Or you have to make a way just to see me. Make a big effort,” anang komedyana.
Dagdag ni Kakai, mahalaga ang effort sa parte ng isang foreigner dahil kung sakali, magiging long-distance ang relasyon.
Inalala ni Kakai ang isang engkuwentro sa Switzerland noon kung saan may lumapit sa kaniyang isang foreigner at nag-alok na ibili siya ng drink.
“Siyempre nagpanggap akong pakipot. ‘No, I can buy my own drink,’” sagot ni Kakai sa foreigner.
Kalaunan, nagtuloy-tuloy ang usapan nina Kakai at ng foreigner, at nagpahayag ang dayuhan na gusto nitong pumunta sa Pilipinas.
Gayunman, tila hindi naging seryoso ang foreigner kay Kakai.
“Tapos nakita ko na lang hindi na siya nagme-message. Nakita ko nagpakasal na,” sabi ni Kakai.
Samantala, inilahad din ni Kakai na si Piolo Pascual ang celebrity ang kaniyang “pinagnanasaan.”
“Ang pinagnanasaan ko forever, Piolo Pascual. Kasi iba talaga ‘yung karisma niya tsaka ‘yung ang bait, ang guwapo,” lahad niya.-- FRJ, GMA Integrated News