Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, ibinahagi ni Ashley Ortega ang posibleng pinagmulan ng hidwaan nila ng kaniyang ina na naging dahilan para hindi sila mag-usap ng tatlong taon.
Matapos maalis sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition," at lumabas ng bahay ni "Kuya," sinabi ni Ashley na hindi pa niya nakakausap ang kaniyang ina.
Nauna nang sinabi ng aktres, na nag-iwan siya ng bulaklak sa bahay ng kaniyang ina nang minsan magpunta siya pero walang tao noon sa bahay.
"Nag-iwan po ako ng flowers outside, and I texted her also. She hasn't responded, not yet," sabi ni Ashley kay Tito Boy.
Habang nasa bahay ni Kuya, inilahad ni Ashley na may tatlong taon na silang hindi nag-uusap ng kaniyang ina. Inamin din niya ang kaniyang kasalanan at humingi ng tawad sa kaniyang ina.
Bago lumabas ng bahay, nakatanggap si Ashley ng sulat mula sa kaniyang ina na naging daan para magkaroon muli sila ng ugnayan.
Nang tanungin ni Tito Boy kung ano ang ugat ng kanilang hidwaan, sinabi ni Ashley na maraming "pinanggalingan."
"Marami, Tito Boy eh, marami pinanggalingan but of course, at the end of the day, alam ko meron din akong pagkakamali. It's more of like, parang as I get older, my mom becomes stricter," paliwanag niya.
"So, kumbaga parang I wanted to grow, I wanted to learn and make decisions on my own, pero parang dun nanggaling 'yun eh, parang I wouldn't have the freedom to decide for myself, so parang dun nagsimula 'yun," patuloy niya.
Nang tanungin kung ano ang mensahe niya sa kaniyang ina, sabi ni Ashley, "Of course, ma, I really want to see you as soon as possible, and of course I want to talk to her."
Sinabi ni Ashley na hindi talaga niya inaasahan na makakatanggap siya ng sulat mula sa kaniyang ina sa loob ng bahay ni Kuya.
"I wasn't expecting something from my mom but I would reach out to my mom talaga, but again, I'm giving her time. When I left the house, 'yun talaga, isa siya sa mga unang pinuntahan ko," anang aktres.
Napapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network sa ganap na 10 p.m. sa weekdays, at 6:15 p.m. sa weekends. —FRJ, GMA Integrated News
