Hiningan ng reaksiyon si Barbie Forteza sa naging pahayag para sa kaniya ng kaniyang ka-love team na si David Licuaco na, "I care for her a lot."
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, napa-wow si Barbie nang malaman ang tungkol sa sinabi ni David para sa kaniya.
"He cares about me? Ay wow naman! I care about him also! Siyempre," masayang sabi ng aktres.
"I care about him a lot!" dagdag pa ni Barbies.
Una rito, sinabi ni David na naging malapit na sila ni Barbie sa isa't isa mula nang magkasama sa mga proyekto.
"We have to think na, of course, Barbie just got off from a relationship and we should respect that. Kailangan niyang mag-heal," paliwanag ni David, patungkol sa dating nobyo ni Barbie na si Jak Roberto.
Nang tanungin tungkol sa kaniyang damdamin para sa aktres, saad ng aktor, "I care for her a lot. I just really care about her a lot."
Nitong nakaraang Enero, inihayag ni Barbie na hiwalay na sila ni Jak matapos ang pitong taong relasyon.
Unang nagtambal sina Barbie at David sa GMA series na "Maria Clara at Ibarra." Muli silang nagkasama sa "Pulang Araw," at sa pelikulang "That Kind of Love" last year.
May mga panibagong proyekto rin silang pinaghahandaan ngayong 2025.
Sa ngayon, mapapanood si David sa upcoming movie na "Samahan ng mga Makasalanan," na kinabibilangan nina Sanya Lopez, Liezel Lopez, Betong Sumaya, Buboy Villar, Jay Ortega, Chariz Solomon, Joel Torre, Euwenn Mikaell, at marami pang iba. —mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News
