Si Sanya Lopez ang pinakabagong Kapuso na bumisita sa bahay ni "Kuya" sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."

Sa episode nitong Lunes, ipinakilala si Sanya bilang "searcher" na sasabak sa blind date challenge na pipili sa limang lalaking housemates.

Pero ang mga babaeng housemate ang naunang pumili sa mga boy matapos silang magpasikatan sa pool, na sina Emilio Daez, Ralph De Leon, Josh Ford, Vince Maristela, at River Joseph.

Si Sanya, sa pamamagitan ng mga babae, nagbigay ng ilang katanungan para makilala pa ang mga ito. Tinanong ng aktres ang kanilang pananaw tungkol sa paraan ng ligawan ngayon, at kung paano nila aayusin ang kanilang relasyon sa kanilang partner matapos magkamali.

Sa huli, pinili ni Sanya si Ralph, at nagkaroon sila ng merienda date sa hardin ng bahay ni Kuya, at nagpatuloy ng kanilang pag-uusap at pagkilala sa isa't isa.

Kamakailan lang, inihayag ni Sanya na mayroong siyang nakaka-date ngayon at patuloy niya itong kinikilala.

Mapapanood si Sanya sa upcoming film na "Samahan ng mga Makasalanan," na kinabibilangan nina David Licauco, Joel Torre, Liezel Lopez, Jay Ortega, Betong Sumaya, at marami pang iba.

Ipapalabas sa mga sinehan sa April 19 ang "Samahan ng mga Makasalanan."

Samantala, mapapanood naman ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network sa ganap na 10 p.m. sa weekdays at sa ganap na 6:15 p.m. naman sa weekends. —mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ, GMA Integrated News