Ipinaliwanag ng aktor na si Allen Dizon kung bakit niya tinatanggihan ang mga alok na pasukin niya ang mundo ng pulitika.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, sinabi ni Allen na pakiramdam niya ay hindi pa siya handa na pasukin ang mundo ng public service.
"Parang kailangan ko mag-aral kung papasukin ko 'yung politics. Kailangan ko munang i-set aside 'yung career ko and family ko to enter politics," anang batikang aktor.
Sang-ayon din si Allen sa sinabi ni Tito Boy na dapat may "apoy" ang mga taong sumasabak sa pulitika para magsilbi sa mga tao.
"Pag-aralan mo kung papasukin mo 'to kasi hindi basta-basta eh. Baka hindi ko magawa 'yung... baka iboto ako ng mga tao, hindi ko magawa 'yung role ko, hindi ko magawa 'yung bilang isang public servant or maging ano ka. Baka mapahiya lang ako," paliwanag niya.
Samantala, tinawag ni Richard Yap, na kasama ni Allen na guest ni Tito Boy, na "unfair" na isisi sa mga taga-showbiz na pumapasok sa pulitika ang tinatawag na "political bankruptcy."
"I think that's unfair because there are a lot of artists who have the brains to be able to be in politics, to be in public service," giit ng aktor.
"That statement is based on a certain percentage of people who are there in power and sinasabi nila [na] gano'n na lahat," sabi pa ni Richard. "So it's a generalization. It's unfair for a lot of us."
Kumandidato noon si Richard sa pagka-kongresista sa Cebu noong 2019 at 2022 elections pero hindi pinalad na manalo.
Bibida sina Allen at Richard sa upcoming movie na "Fatherland" na mapapanood sa mga sinehan sa April 19. — mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ, GMA Integrated News
