Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, tinanong ang aktor na si Iñigo Pascual tungkol sa kaniyang pakiramdam kapag ikinukumpara sa kaniyang ama na si Piolo.Ayon kay Iñigo, isang karangalan para sa kaniya na maikumpara sa kaniyang ama.“Para sa ‘kin hindi ko siya matatanggal sa buhay ko, sa pagkatao ko, kung sino ako. Kasi wala naman ako sa mundong ‘to kung wala ‘yung tatay ko, magulang ko," saad ng aktor."Para sa ‘kin hindi siya obstacle, hindi siya problema kasi wala naman ako sa industriyang ‘to kung wala rin naman ‘yung tatay ko. Para sa ‘kin it’s an honor that I get, it’s an honor to be compared to my dad,” patuloy niya.Aminado si Iñigo na hindi siya nakasisiguro kung kaya niyang tapatan o pantayan ang kaniyang ama para siya ikumpara rito.Tanggap din niya na mas guwapo ang kaniyang ama kaysa sa kaniya.“Sa mga kaibigan ko, mas ipinagmamalaki ko pa si papa na parang, ‘Ito ‘yung tatay ko. Can you believe it? This is my dad. He looks like my older brother.’ For me that’s more of a bragging right,” sabi pa ni Iñigo.Mapapanood si Iñigo sa pelikulang “Fatherland,” kasama sina Allen Dizon, Richard Yap, Kazel Kinouci, at marami pang iba, na idinirek ni Joel Lamangan. — mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ, GMA Integrated News