Sariwa pa rin sa alaala ni JC Regino ang huling pag-uusap nila ng kaniyang ama na si April Boy bago pumanaw. Hinikayat umano siya ng ama na bumalik sa Pilipinas mula sa Amerika, upang magkasama silang magtanghal.“Alam ko mas masaya ka dito kasi mas mahal mo ‘yung music. Kumanta na ulit tayong dalawa,” kuwento ni JC sa sinabi sa kaniya ng ama nang maging guest siya sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.Inihalintulad umano ng kaniyang ama ang tambalan nila bilang Batman and Robin.“'Wala tayong iwanan. Tayong dalawa ang laging magkasama, kakanta tayo, gagawa tayo ng mga kanta, gagawa tayo ng mga awitin, ipaparinig natin sa mga recording studio para kumanta na ulit tayong dalawa. Samahan mo ‘ko. ‘Wag mo kong iiwan. Gusto ko kasama kita laging mag-perform,'” pagbahagi pa ni JC sa pag-uusap nilang mag-ama.Ngayon, hindi umano kompleto ang pagpapatuloy niya sa pangarap nilang mag-ama dahil wala na si April Boy, na pumanaw noong 2020 dulot ng karamdaman.“Pagka siyempre, kakanta ako sa stage, magpapasaya ako ng tao, pagka minsan, napapalingon talaga ako minsan sa kanan o sa kaliwa kasi lagi siyang nando’n eh. Dalawa kaming nasa stage eh. Ngayon ako na lang eh,” ayon kay JC.Mas ramdam niya ang pagkawala ng ama kapag may dumarating na mga oportunidad sa kaniya, gaya ng pagpirma niya sa GMA Music.“Parang mas maganda siguro sana kung nakikita niya. Proud kasi siya sa ‘kin eh kasi nga sa ‘kin niya tinuro lahat ng pagkanta, paano maggitara, paano magpasaya ng entablado. Tapos ngayon kulang na kulang,” sabi pa ni JC.Maging sa paggawa niya ng kaniya, naaalala pa rin niya ang kaniyang ama.“Sa kaniya ko po kasi lagi pinaririnig ‘yung kanta ko. Ngayon, wala na. Wala na ‘yung ’pag pupunta ako do’n nagsasabi sa ‘kin, ‘Anak, ang ganda ng ginawa mong kanta.’ Ngayon, wala. ‘Di ko alam kung tama ba ‘yung mga ginagawa kong kanta o hindi kasi siya ‘yung nagsa-suggest sa ‘kin kung, ‘Anak, ito, palit natin lyrics niyan,’” kuwento pa niya.Kabilang sa mga sikat na awitin ni April Boy ang “'Di Ko Kayang Tanggapin” at “Paano ang Puso Ko.”Samantala, naglabas naman si JC ng bago niyang mga awitin,kabilang ang “Wala Na” at “Babytawan.” — mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ, GMA Integrated News