Single sa kaniyang edad na 59 ang single-actress na si Pinky Amador. Ano nga ba ang advantage at disadvantage ng pagiging single para sa kaniya? Alamin.

Sa kaniyang guesting sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, inihayag ni Pinky ang kaniyang pananaw tungkol sa pag-ibig.

"That love always needs respect, always. ['Pag nawawala 'yon,] then it might not be love," sabi niya.

Tinanong ni Tito Boy kung kailan huling na-in love si Pinky.

"Matagal na," tugon ng "Binibining Marikit" actress.

Gayunman, hindi niya raw isinasara ang sarili tungkol dito.

"I'm not closing the door, but I found myself happy by myself, which I think is important before getting into a relationship," sabi niya.

Ibinahagi rin ni Pinky ang tingin niyang advantage at disadvantage ng pagiging single.

"What's good about it is you're not answering to anyone. You have freedom talaga, hindi ka na kailangang magpaalam. Ang mahirap doon is siyempre, very basic questions like mortality," sabi niya.

Ang disadvantage naman, "Parang, 'May mag-aalaga ba sa akin pagtanda ko?' May hahawak ba ng kamay ko on my deathbed?' Morbid, I guess 'yun 'yung pinakagrabe. Pero until we get to that point, wala naman," pagpapatuloy niya.

Sinagot din ni Pinky ang tanong ni Tito Boy kung kinatatakutan niya ang pamamaalam sa mundo.

"Natatakot akong maging walang silbi. Natatakot akong maging dependent sa iba. Nakakatakot iyon," tugon ng aktres.

Napapanood ang "Binibining Marikit", na kasama rin sina Herlene Budol at Pokwang sa weekdays sa ganap na 4:05 p.m. pagkatapos ng "Mommy Dearest." -- FRJ, GMA Integrated News