Inihayag ni Rufa Mae Quinto nitong Biyernes na tapos na ang kinasangkutan niyang kaso sa 'di umano'y paglabag niya sa securities regulation code.

Sa post niya sa X, nagbahagi si Rufa ng isang glam video at nagpasalamat sa lahat ng naniwala sa kaniya.

“Maraming salamat sa naniwala sa akin and yes, tapos na ang kaso!” sabi niya.

“I’m free and alive! I love you all! Move on na tayo,” pagpapatuloy ni Rufa.

Noong Enero, nasangkot si Rufa Mae sa isang investment scam kaugnay sa isyu ng Dermacare.

Kinasuhan siya ng 14 count ng paglabag sa Section 8 ng Securities Regulation Code, na nagsasaad na hindi maaaring ibenta sa Pilipinas ang securities gaya ng shares at investments nang walang registration statement na isinumite at inaprubahan ng Securities and Exchange Commission (SEC).

Matapos ang kaniyang arrest warrant, itinanggi ni Rufa Mae ang kaniyang pagkakasangkot at nakipagtulungan sa mga awtoridad at boluntaryong sumuko sa NBI, at nagpiyansa ng P1.7 milyon.

Sa huling bahagi ng buwang iyon, isang scammer ang gumamit sa kaniyang pangalan para humingi ng P45,000 para magamit sa kaniyang piyansa.

“Paki kalat nyo nga po please itong gusto mang hingi ng pera sa mga kakilala ko. Wag na kayo gumawa ng kwento at naireport ko na kayo sa lawyer ko. Friends be ware and aware! Salamat for sharing to all,” saad niya.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News