Hindi napigilan ni Josh Ford na maluha sa pagbabasa ng liham mula sa kaniyang ina sa episode ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition” nitong Huwebes.
Natanggap ng Sparkle star ang sulat sa pamamagitan ng house guest na si Donny Pangilinan, na pumasok sa Bahay ni Kuya bilang "messenger" para sa housemates.
Sumulat ang nanay ni Josh sa kaniya na, “Dear Josh, una sa lahat, gusto ko lang sabihin na proud ako sa ‘yo. Keep being the kind and genuine person that you are. Makaka-inspire ka and I hope you never forget that."
“Oh, mom. I love you, mom,” maluha-luhang sabi ni Josh.
Nalaman din ni Josh na nagdiwang ng kaarawan ang kaniyang bunsong kapatid na si Caitlin sa isang trip sa Norfolk.
“Super saya sa trip. We went on a boat trip, pero siyempre, mas exciting ‘yung thought na one day, we’re all together," dagdag ng kaniyang ina.
Sa pagtatapos ng liham, pinaalalahanan ng ina si Josh na palaging mag-ingat at magdasal.
Kinausap ni Josh ang kaniyang mga kapwa housemates tungkol sa binasang sulat at sitwasyon ng kaniyang pamilya.
“Story lang, I haven’t seen my family in like, a year siguro. Lahat sila nasa UK, mag-isa lang ako dito,” sabi niya.
Kalaunan sa confession room, sinabi ni Josh kay Kuya na “super, super happy” siya.
“Nawala ‘yung mga bigat ko at ‘yung mga iniisip ko dito. And mas lalo akong lumakas para ipagpatuloy ‘yung journey ko dito sa loob ng Bahay ni Kuya,” pahayag niya.
Nakatanggap at nakabasa rin mga liham mula sa kanilang mga mahal sa buhay ang iba pang housemates na sina AZ Martinez, Shuvee Etrata, at Will Ashley.
Napanonood ang mga bagong episode ng "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network ng weekdays ng 10 p.m. at weekends ng 6:15 p.m. -- Jamil Santos/ FRJ, GMA Integrated News

