Bumalik na sa outside world si Donny Pangilinan matapos ang isang linggo niyang pagiging house guest sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition." Ang pumalit sa kaniya, si David Licauco.
Sa Instagram, nag-post si Donny ng larawan niya na nasa background ang PBB house matapos siyang lumabas.
"So this happened. Core memory. Thank you Kuya and Housemates. Miss y'all … hanggang sa muli," saad niya sa caption.
Bilang house guest, naging misyon ni Donny na maghatid ng special gifts sa mga housemate, kabilang na ang mga sulat.
Sa paglabas ni Donny, inihayag naman ang PBB ang pagpasok ng Pambansang Ginoo na si David.
"Ang Pambansang Ginoo, anDito na!" saad ng PBB sa caption ng poster ni David. "Ano nga kayang magiging ganap niya sa bahay?"
Nauna nang naging mga house guest sa bahay ni Kuya sina BINI Jhoanna and Stacey, Michelle Dee, Gabbi Garcia, Ivana Alawi, Mavy Legaspi, at Kim Ji Soo.
Bumisita rin sa bahay ni Kuya sina Sanya Lopez, Kim Chiu, at Paulo Avelino.
Napapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network sa ganap na 10 p.m. sa weekdays at sa weekends sa ganap na 6:15 p.m. — Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News

