Sa isang emosyonal na sulat, pinalaya na ni AZ Martinez ang kaniyang ex-boyfriend na si Larkin Castor.

Sa episode ng "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" nitong Lunes, ipinakita ni AZ ang ginawa niyang sulat na tugon sa sulat na ipinadala sa kaniya ni Larkin.

Matapos gawin ang sulat, ibinahagi ni AZ kay "Kuya" ang nilalaman nito.

"Honestly Kuya, nung inuumpisahan ko 'yung letter, sobrang sobrang hirap talaga ako na 'di ko alam anong sasabihin, 'di ko alam saan uumpisahan. Kasi with that letter parang I have to make a decision already. Because may necklace, may mga sinabi siya sa letter niya, and parang it's time to make it clear," saad ng dalaga.

Ayon kay AZ, nais talaga niyang kausapin si Larkin upang linawin ang ilang bagay tungkol sa kanila. Ikinatuwa niya na sumulat sa kaniya ang dating nobyo habang nasa loob siya ng bahay ni Kuya.

Ang celebrity house guest na si Donny Pangilinan ang naghatid ng naturang sulat na may kasamang necklace.

"Sabi niya doon he hasn't given up. And sobrang selfish ko if pagpapatuloy ko pa rin na gano'n, tapos ako masaya lang dito, selfish na ako nun. I knew I had to say my decision. Baka kailangan na itong gawin para hindi na siya masira Kuya, para hindi na siya masaktan," sabi ni AZ.

"Gusto ko po sabihin sa kanya is, pinapalaya ko na po siya Kuya. Kung gusto niya pa rin maghintay Kuya, that's his choice na. Pero ayoko na po siya kontrolin, ayoko na siya pilitin, ayoko na siya habulin or guluhin pa Kuya. Kasi alam ko mas masasaktan, mas masisira lang siya if I leave him hanging," dagdag ni AZ.

Matapos basahin ang kaniyang sulat, sinabi ni AZ na gumaang ang pakiramdam niya at proud siya sa kaniyang sarili dahil sa tingin niya ay tama ang ginawa niya.

Nagbigay naman ng ilang mensahe sa kaniya si Kuya.

"AZ, alam kong hindi madali ang desisyong ginawa mo. Ending a relationship is never easy. Ang paghilom ay isang proseso. Hindi mo kailangan madaliin. Sana lang 'pag nakita kayo ni Larkin sa labas ng bahay, magkaroon kayo ng magkakataon na mag-usap, ng may respeto, para magkaroon ng closure ng makakatulong sa inyong dalawa," paliwanag ni Kuya.

"When you are ready, mas buo ka na, mas matatag, at mas handa na na magmahal muli," patuloy nito.

Una nito, ibinahagi ni AZ sa mga kasamang housemate na naghiwalay sila ni Larkin bago siya pumasok sa bahay ni Kuya.

Napapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network sa weekdays sa ganap na 10 p.m. at sa weekends sa ganap na 6:15 p.m. — mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News