Ilang celebrities ang naiproklama nang panalo at may mga nangunguna rin sa bilangan sa Eleksyong 2025. Habang ang iba namang hindi pinalad, tinanggap na ang kanilang pagkabigo.
Ang dating beauty queen na si Leren Bautista, iprinoklama na bilang isa sa mga nanalong konsehal sa Los Baños, Laguna, para sa kaniyang ikalawang termino.
"Maraming Salamat LB, para sa pangalawang termino, mas gagalingan pa natin," sabi ni Leren sa Instragram post.
"Patuloy lang po ang ating serbisyo, para sa mahal nating bayan ng Los Baños. Maraming salamat sa tiwala at suporta para maging konsehala para sa pangalawang termino," dagdag ni Leren.
Sa Quezon City, nangunguna si Arjo Atayde bilang Representative ng First District na may 91,894 boto laban kay Bingbong Crisologo na may 65,248.
Sa ikalimang distrito naman ng Quezon City, pumangalawa si Aiko Melendez bilang councilor na may 142,495 na boto, at pumangatlo si Alfred Vargas na may 133,048 boto nitong 1:57 p.m. nitong Martes.
Naghahabol naman para makapasok sa anim na konsehal na ihahalal si Enzo Pineda na nasa ikapitong puwesto na 101,136 boto. Pero nasa 17,000 boto ang lamang sa kaniya ng nasa ika-anim na puwesto na si Ram Medalla.
Sa Maynila naman, nangunguna si Isko Moreno sa pagka-alkalde na may 526,853 boto. Sinundan siya ni Honey Lacuna na may 189,646 boto, at Sam Verzosa na may 163,413 a boto.
Nangunguna rin ang anak niyang si Joaquin Domagoso bilang councilor sa First District ng Maynila na may 112,752 boto.
Nangunguna rin si Lou Veloso bilang councilor sa ika-anim na distrito na may 72,225 boto.
Sa Batangas, naiproklama nang governatorial elect si Vilma Santos. Nangunguna rin ang anak niyang si Ryan Recto sa labanan sa pagka-kongresista sa 6th District. Pero hindi naman pinalad si Luis Manzano na pangalawa lang sa labanan sa pagka-bise gobernador ng lalawigan.
Sa first district ng Rizal, nangunguna sa bilangan bilang Sangguniang Panlalawigan member si Jestoni Alarcon.
Sa second district para sa Sanggunian ng lalawigan ng Nueva Ecija na dalawa ang ihahalal, nasa pangalawang puwesto ang aktor na si Jason Abalos.
Muling nahalal na gobernador ng Bulacan si Daniel Fernando.
May ilan taga-showbiz din ang naglabas na ng pahayag para tanggapin ang kanilang kabiguan at paggalang sa resulta ng bilangan--kabilang ni Sam Verzosa na tumakbong alkalde sa Maynila.
“Ngayong gabi, buong puso kong tinatanggap ang desisyon ng taumbayan. Bagamat hindi nangyari ang hinahangad nating resulta, ako po ay taus-pusong nagpapasalamat sa bawat isa sa inyo na naniwala, sumuporta, at lumaban para sa Pagbabago,” sabi ni Sam, na binati ang nangungunang kandidato na si Isko Moreno.
Inihayag naman ni Marco Gumabao ang kaniyang pagkatalo sa posisyon bilang Representative ng fourth district ng Camarines Sur.
"Hindi man ito ang resulta na aming hinangad, alam kong ibinigay natin ang lahat, at buong puso tayong lumaban," sabi ni Marco.
"Sa lahat ng bumoto, sumuporta, tumulong, at naniwala—salamat po sa pagtanggap sa amin, sa inyong tiwala, at sa pagmamahal na ipinakita ninyo sa bawat sulok ng Partido," dagdag ni Marco.
Inilahad din ni Ejay Falcon ang kaniyang pagkabigo sa pagtakbong kongresista sa Second Legislative District ng Oriental Mindoro.
“Nagdesisyon na po ang Oriental Mindoreños, hindi man po pumabor sa inyong lingkod ang naging resulta, pero masaya po ako na ibinigay po natin ang lahat ng ating makakaya para ipakita ang malinis nating intensyon na malingkod sa ating lalawigan,” ani Ejay, na binati rin ang nangungunang kandidatong si PA Umali.
Sa first district sa Paranaque na walo ang ihahalal na konsehal, nasa pang-12 puwesto sa dami ng boto ang dating aktres na si Abby Viduya na Maria Isabel ang ginamit na pangalan sa balota.
Bigo rin ang kongresista na si Dan Fernandez sa pag-asinta niya bilang gobernador ng Laguna.-- FRJ, GMA Integrated News
For more Eleksyon 2025 related content and updates, visit GMA News Online's Eleksyon 2025 microsite.