Naging bisita sa "Bahay ni Kuya" sina Dingdong Dantes at Charo Santos kung saan nagkaroon sila ng special task na maging game show hosts para sa mga housemate.

Sa episode ng "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition," nagsagawa sina Dingdong at Charo ng trivia game na "Only You Know," upang malaman kung gaano kakilala ng mga housemate ang kani-kanilang ina.

Ang naturang palaro ay ang first round ng challenge na kailangang maipanalo ng housemates upang magkaroon sila ng pagkakataon na mapanood sila ng kanilang pamilya na magtanghal sa Big Carnival Concert sa katapusan ng linggo.

Sa naturang challenge, hinati sa tatlong grupo ang 12 housemates na may tig-dalawang pares: WillBi and VeeNyr, BrAz and ViKla, at DuRiver and RielKa.

Ang matatalong team ay hindi na makakausad sa susunod na round para maglaban sa Golden Seats. 

Dalawang tanong pa lang naibabato sa naturang game at ipagpapatuloy sa susunod na episode.

Napapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network sa weekdays sa ganap na 10 p.m. at sa weekends naman tuwing 6:15 p.m. — FRJ, GMA Integrated News