Most eligible bachelor sa bansa si Pasig City Mayor Vico Sotto, 35-anyos, na muling nahalal sa kaniyang puwesto sa katatapos lang na Eleksyon 2025. Kumusta na kaya ang lagay ng kaniyang "puso."
Sa panayam ng GMA show Unang Hirit nitong Biyernes, tinanong si Vico ng netizen kung oras pa ba siya sa love life dahil na rin sa uri ng kaniyang trabaho.
"'Yung puso mo, kumusta?," dugtong na tanong ng host na si Arnold Clavio sa alkalde na anak nina Vic Sotto at Coney Reyes.
"Eh, okay lang po. Darating at darating naman po 'yan [love life]. Eh, gaya po nga po ng sabi mo, siguro itong nakaraang anim na taon, talagang sobra sa trabaho rin," paliwanag ni Vico.
"Parang bitin ang sagot mo," birong hirit ni Arnold sabay tanong kung may mensahe siya sa nagbibigay sa kaniya ng inspirasyon.
"Wala ho. Ang nagbibigay-inspiration sa'kin. Ang tao talaga," paglilinaw ng alkalde na nasa kaniyang ikatlo at huling termino na.
Sa parehong panayam, sinabi ni Vico na nais niyang ma-institutionalize ang reporma at paghubog sa mga bagong lider sa huling termino ng kaniyang agenda sa mabuting pamamahala.
Nanalo si Vico na may malaking kalamangan sa kaniyang mga nakatunggali sa pagka-alkalde na sina Sara Discaya, Cory Palma, at Eagle Ayaon.
"We are very thankful. Nagpapasalamat ako sa lahat ng Pasigueño sa kanilang tiwala, sa kanilang suporta at sa bagong mandato, fresh mandate na ito," saad ni Vico.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
For more Eleksyon 2025 related content and updates, visit GMA News Online's Eleksyon 2025 microsite.
