Mainit ang naging pagsalubong ng male housemates kay Charlie Fleming na nagbalik sa Bahay ni Kuya bilang "wildcard", kasama si Ralph De Leon.
Sa episode ng "Pinoy Big Brother Celebrity: Collab Edition" nitong Martes, nasa confession room si Charlie nang ipatawag ni "Kuya" si River Joseph upang opisyal na ipakita ang aktres sa kaniyang pagbabalik.
Kasama si River ni Will Ashley bilang lider sa weekly task na ipinagawa ni Kuya na kailangang itago ng male housemates sina Charlie at Ralph mula sa female housemates sa loob ng isang linggo.
Maluha-luha si Charlie nang makita si River na huli niyang nakausap bago siya mapalabas sa bahay ni Kuya sa isang eviction night.
Matapos nito, ipinaalam na ni River sa mga kapuwa male housemates na si Charlie ang ikalawang "item" na kailangan nilang itago.
Kinailangan nilang mag-isip ng paraan kung papaano nila madadala si Charlie sa kanilang kuwarto nang hindi napapansin ng girl housemates.
Nang magtagumpay sila, labis ang kasiyahan ng iba pang male housemates nang makita na si Charlie.
Lumabas ng bahay ni Kuya si Charlie kasama si Kira Balinger sa second eviction night ng PBB. Dahil sa boto ng kanilang followers, nagkaroon si Charlie at Ralph ng pagkakataon na makabalik bilang mga housemate.
Napapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network sa weekdays sa ganap na 10 p.m. at sa weekends sa ganap na 6:15 p.m. —FRJ, GMA Integrated News