Inihayag ni Bianca Umali na pumasok bilang guest sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" dahil sa namayapa niyang ina na si Mommy May.

Sa episode nitong Lunes, sinabi ni Bianca kay Kuya na big fan ng show ang kaniyang ina noong nabubuhay pa.

"Ito po ang mommy ko. May po ang pangalan niya," pahayag ni Bianca kay Kuya habang ipinapakita ang larawan nilang mag-ina.

"I lost my mom when I was five to breast cancer. And in the duration of her breast cancer journey kayo po ang kaligayahan niya," ani Bianca.

Ayon sa Kapuso actress, ginamit din sa audio-video presentation ng alaala ng kaniyang ina ang original "Pinoy Big Brother" theme song na "Pinoy Ako" ng Orange & Lemons.

"Kaya po excited ako dahil ang experience po na ito ay para sa kanya. Sobrang maraming salamat po," saad ni Bianca.

Pinasalamatan naman ni Kuya ang "Sang'gre" star sa paglalaanan ng panahon upang maging bisita sa programa.

"Maraming salamat dahil naging bahagi ako at ang bahay ko kahit paano sa buhay ng nanay mo. Alam ko kung gaano ka-espesyal ang sandaling ito," ani Kuya.

Napapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" ang GMA Network tuwing weekdays sa ganap na 10:05 p.m. at tuwing weekends sa ganap na 6:15 p.m. — mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News