Full support ang SB19 members na sina Pablo at Justin sa kanilang dance coach na si Jay Joseph Roncesvalles, na magiging isa sa mga hurado sa "Stars on the Floor."
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, inihayag nina Pablo at Justin ang kanilang kasiyahan na maibabahagi ng kanilang Kuya Jay ang mga itinuro nito sa kanila.
"Actually, hindi lang ngayon pag-choreograph eh kasi more than that 'yung binibigay ni Kuya Jay. Kumbaga, binibigay niya kami ng passion, pinapalakas niya 'yung loob namin whenever we perform," ani Justin.
Nagbigay naman ng ilang payo si Pablo kay Coach Jay bilang dating coach sa "The Voice Kids Philippines."
"Marami siyang makukulit na tinuturuan. W3, SB19. Alam mong sincere 'yung sinasabi niya, alam mong makakatulong sa'yo. So, 'yun lang be you. Tapos lalabas na 'yon. Mas marami kang matutulungan lalo na dito sa 'Stars on the Floor,'" pahayag ni Pablo.
SI Coach Jay ang choreographer sa likod ng hit songs ng SB19 na "GENTO," "DAM," at "DUNGKA."
Ayon kay Coach Jay, excited din siya sa naturang kompetisyon na magtatambal ang showbiz celebrities at social media personalities.
"Alam ko din na lagi akong sumasayaw and then ngayon parang baka mayroon pang may natatago pa kung pwedeng gawin na baka ibang tao 'yung mga pagpalabas," aniya.
Ikinagulat umano ni Coach Jay nang malaman na nais siyang maging hurado sa dance show.
"Parang napatanong din ako sa sarili ko. It's about time siguro na sa lahat ng experience ko ma-share ko din, magamit ko din and then baka ito na din 'yung perfect time na binigay sa akin para alam mo 'yung maging judge sa TV," dagdag niya.
Bukod kay Coach Jay, magiging hurado rin sa dance show sina Kapuso Primetime Queen Marian Rivera at Pokwang, at host naman si Alden Richards.
Mapapanood ang "Stars on the Floor" sa GMA Network simula sa June 28. — mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News
