Binitawan ni Rachel Gupta ng India ang kaniyang korona bilang Miss Grand International 2024. Sa kaniyang pagbibitiw, posibleng pumalit si CJ Opiaza ng Pilipinas na nagwaging 1st runner-up sa ginanap na koronasyon noong nakaraang taon.

Sa Instagram post nitong Miyerkoles, sinabi ni Rachel na ang makoronahan ang pinapangarap niya sa kaniyang buhay na magbigay sa kaniya ng pag-asa at pagmamalaki na katawanin ang India.

“However, the months following my crowning have been marked by broken promises, mistreatment, and a toxic environment I can no longer endure in silence,” she said.

Ayon kay Rachel, hindi madali sa kaniya ang desisyon na magbitiw at nangakong magbibigay pa siya ng detalye sa mga darating na araw.

Humingi siya ng suporta sa kaniyang followers at sinabing, “Your love means more than you know.”

Sa caption, inihayag niya na, “The truth will come out very soon.”

Matapos ang naturang pahayag ni Rachel, inanunsyo ng Miss Grand International (MGI) Organization, ang pagbawi nito sa titulo ng beauty queen.

“This decision follows her failure to fulfill her assigned duties, engagement in external projects without prior approval from the organization, and her refusal to participate in the scheduled trip to Guatemala,” saad ng MGI.

“As a result, the organization has resolved to revoke her title with immediate effect. Miss Rachel Gupta is no longer authorized to use the title or wear the crown associated with Miss Grand International 2024,” dagdag nito.

Ipinapasauli ng MGI ang korona sa kaniyang tanggapan sa loob ng 30 araw.

 


      
Sa koronasyon noong October 2024, si CJ Opiaza ng Pilipinas ang itinanghal na 1st runner-up, na sinundan ng kinatawan ng Myanmar (2nd runner-up), France (3rd), at Brazil (4th runner-up). — mula sa ulat ni Carby Basina/FRJ, GMA Integrated News