Proud boyfriend si Ruru Madrid na makita si Bianca Umali sa loob ng bahay ni Kuya sa "Pinoy Big Brother" na naglilinis at nag-aayos ng mga gamit.

Sa X (dating Twitter), isang fan ang nag-post ng video na makikita si Bianca na inaayos ang kuwarto ng male housemates.

Umani na ng mahigit 15,000 likes ang clip at mahigit one million views.

Ni-repost ni Ruru ang video at nilagyan ng caption na,  "Asawa material ehh" na may heart-eyed emoji.

Sa isa pang post, sinabi ni Ruru na, "Sobrang bagay ni Isadora (Bianca) sa PBB kaya lang parang 'di ko kaya na matagal ko siya 'di makakasama."

 

 

Maging ang kusina at kuwarto ng girl housemates ay inayos din ni Bianca na celebrity guest ngayong linggo sa bahay ni Kuya.

"Bianca cleaned the entire house earlier in the livestream and offered so many thoughtful insights during the housemates' task. She contributed a lot and and even the housemates recognize that. She's easily one of my favorite houseguests now," saad ng isang X user.

Nauna nang inihayag ni Bianca na pumasok siya sa "PBB" house para sa kaniyang namayapang ina na si Mommy May na nanonood ng programa noong nabubuhay pa.

"I lost my mom when I was five to breast cancer. And in the duration of her breast cancer journey kayo po ang kaligayahan niya," sabi ni Bianca kay Kuya. "Kaya po excited ako dahil ang experience po na ito ay para sa kaniya. Sobrang maraming salamat po."

Nakatakdang bumida si Bianca sa "Sang'gre," na mapapanood sa GMA Prime simula sa June 16.

Napapanood naman ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network sa weekdays sa ganap na 10:05 p.m. at sa weekends sa ganap na 6:15 p.m. —mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ, GMA Integrated News