Si Jane De Leon ang bagong celebrity house guest sa “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition,” at ang papaalis na bisita na si Bianca Umali ang sumalubong sa kaniya.

Sa  Facebook, ibinahagi ng “PBB” ang larawan ni Jane na may nakasaad na, “Alam mo ba Ding…?”

“Narito na siya! Ang pinakabagong Houseguest ni Kuya, buong tapang na haharap sa mga hamon. Jane De Leon has arrived!” dagdag pa sa anunsyo.

Sa episode nitong Huwebes, sinalubong si Jane ni Bianca sa pagpasok nila sa confession room at doon nila ipinaalam kay "Kuya," na dati na silang magkakilala nang magkasama sa isang proyekto sa Japan.

"Nagkasama po kami nang lubusan at nagkakilala noong nagkaroon kami ng trabaho sa Japan. I'm so glad to see her, salamat ako po ang pinag-welcome niyo sa kaniya," sabi ni Bianca.

Ayon kay Kuya, sina Bianca at Jane ang kauna-unahan niyang house guest mula sa Kapuso at Kapamilya na nagkasabay sa kaniyang "bahay." Kaya itinuturing niya ang dalawa na house guest duo.

Matapos silang makausap ni Kuya, pumasok na ang dalawa sa loob ng bahay para opisyal na ipakilala ni Bianca si Jane sa mga housemate.

Kasabay nito, magpapaalam na rin si Bianca sa mga housemates dahil magtatapos na ang kaniyang pagbisita sa bahay ni Kuya.

Kabilang sa mga dating naging bisita sa bahay ni Kuya sina David Licauco, Donny Pangilinan, BINI Jhoanna at Stacey, Michelle Dee, Gabbi Garcia, Ivana Alawi, Mavy Legaspi, at Kim Ji Soo.

Saglit din na bumisita sa bahay ni Kuya kina Sanya Lopez, Kim Chiu, Paulo Avelino, Dingdong Dantes, at Charo Santos.

Napapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network tuwing weekdays sa ganap na 10:05 p.m. at sa weekends sa ganap na 6:15 p.m. --FRJ, GMA Integrated News