Inihayag ni Michael Flores na plano sana ng namayapa nilang kaibigan na si Red Sternberg na magbalik-showbiz at excited sa ika-30 anibersaryo ng dati nilang show na T.G.I.S.

“Actually, Tito Boy, plano nga niyang bumalik talaga muna. Plano nga niyang bumalik dito. Plano nga niyang mag-artista ulit,” sabi ni Michael na kasama ang T.G.I.S. co-stars na sina Angelu De Leon at Bobby Andrews sa kanilang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“Humihingi pa nga ng advice sa amin ni Bob, ‘Sino ba ang puwede kong kausapin? Sino ba ang manager na interested pa rin na kunin ako?’ ‘Pag naging okay, mag-stay muna sila dito for a while kung okay ‘yung maging outcome,” kuwento ni Michael sa usapan nila ni Red.

Pinaghandaan din daw ni Red ang ika-30 anibersaryo ng T.G.I.S.

“So, talagang sobrang excited siya to the point na nag-workout siya, nag-diet siya,” sabi pa ni Michael.

Nang ipalarawan ni Tito Boy sa kanila si Red, sinabi ni Michael na “no fear” para sa kaniya si Red. Habang itinuturing ni Bobby si Red na isang “brother,” at "friend" naman para kay Angelu.

Ikinalungkot ni Michael na nabawasan ang grupo nila lalo’t nagpaplano silang mga miyembro ng T.G.I.S. ng isang reunion project.

“Actually Tito Boy kaya masakit nga eh, kasi ‘yung pag-uwi niya rito, mayroon talaga kaming pinaplanong reunion project. Hindi pa namin puwedeng sabihin ang details, pero meron na talaga,” ayon kay Michael.

“Every reunion, kapag nagsama-sama kami, kahit konti lang kami mabubuhay na naman ang fans. Sasabihin nila, ‘Please sana magkaroon na kayo ng reunion project.’ So this time, mayroon na talagang pinaplano. Medyo nasa ilang percent na,” anang aktor.

“That is the reason why he was so excited to come home,” dugtong ni Bobby.

Inilahad nina Angelu, Bobby at Michael ang kanilang natutunan sa pagkawala ng kaibigan.

“Time is fleeting. It is. And you really don't know what will happen tomorrow. Maiisip mo, magpaka-healthy, gawin mo na ‘yung mga dapat mong gawin, ang gusto mong gawin,” sabi ni Angelu.

“It’s a wake up call. First, we're not that young anymore. So, we have to start taking care of ourselves. Pero siguro, more importantly is to take advantage of the time you still have with your friends. Kasi it can be taken away from you anytime,” emosyonal na sabi ni Bobby.

“Life is short talaga. Nothing Is permanent. Lahat temporary lang. Sabi nga nila, hiram lang naman itong buhay natin. Hindi mo malalaman kung kailangan kukunin ng Diyos ‘yan. Kaya nga actually, nangyari ‘yung pandemic. Ako, pinangako ko sa sarili ko, sabi ko, ‘pag ako nag-birthday, isi-celebrate ko talaga. Hangga’t healthy ako, hanggat able, hangga’t kaya ko, isi-celebrate ko, mga kasama ko, mga kaibigan ko, pamilya ko, lahat ng mahal ko sa buhay, kasi hindi natin malalaman kung ano pwede mangyari next year,” sabi ni Michael.

Pumanaw si Red sa edad 50 dahil sa heart attack, pagkumpirma ng kaniyang asawang si Sandy.

"Pumanaw po si Red noong May 27 sa America kung saan siya nanirahan mula 2007. Tatlong araw lang ito bago ang kaniyang kaarawan. He is survived by his wife Sandy at tatlo nilang anak. Kinumpirma sa amin ni Sandy na heart attack ang cause of death ni Red. Natagpuan niya si Red na nakahandusay sa sahig noong tumawag siya ng 911," sabi ni Tito Boy sa programa. -- FRJ, GMA Integrated News