Inihayag ng "Bubble Gang" star na si Analyn Barro na single siya ngayon. Pero nang tanungin siya kung may mga nanligaw sa kaniya na kasama sa naturang gag show, napaisip ang aktres.
Sa isang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda," naging bisita si Analyn kasama ang kaibigan niyang si Arra San Agustin, na naging bahagi rin noon ng gag show.
Nang tanungin ang dalawa kung may nanligaw sa kanila na co-star sa Bubble Gang, sinabi ni Arra na wala sa kaniya bagaman may na-link ngunit hindi totoo patungkol kay Paolo Contis.
Si Analyn, tila nahirapan humanap ng sagot sa tanong ni Tito Boy.
“Ano ba yan!," natatawang sabi ni Analyn. "Pero 'hi' sa kanila kung sino man sila. Mga 'in a relationship' na rin yata sila."
Dahil sa pagtukoy ni Analyn na "sila," naisip ni Tito Boy na marami ang nanligaw sa kaniya kaya dinugtungan niya ang tanong kung ilan?
“Ano po sakto lang po Tito Boy,” maingat na natatawang sagot ng aktres. “Sakto lang po.”
Sa ngayon, sinabi ni Analyn na single siya at ang trabaho ang kaniyang karelasyon.
“Work lang po 'yung karelasyon ko ngayon. Talagang work, work, work muna ako mamaya na po 'yan. Makakahintay 'yan, wait ka lang,” paliwanag niya.
“Work lang po talaga muna ako ngayon Tito Boy, kasi habang okay pa, work muna tayo,” dagdag pa niya.
Gayunman, inihayag ni Analyn ang tipo niyang lalaki na "galante" at malaki ang arms na may konting muscle para feel niya na safe siya.-- FRJ, GMA Integrated News