Inalmahan ng bagong kasal na sina Zeinab Harake at Bobby Ray Parks Jr. ang ilang puna ng netizens sa paggamit nila ng paper plates sa kabila ng bongga nilang kasal, at pinabulaanan ang mga espekulasyon na umabot ito ng P20 milyon.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, nagpaliwanag si Zeinab tungkol sa paper plates sa kanilang kasal.
“Kaya may paper plate, dahil sa cocktail area. May pika-pika kasi after the ceremony, before mag-fireworks, para hindi naiinip 'yung aming mga bisita po and magutom. Nag-ready kami ng mga pika-pika. So that's a pika-pika. Hindi siya 'yung sa reception,” anang content creator.
“Actually, lahat na lang pinapansin,” pagpapatuloy ni Zeinab.
Dahil sa pagiging maganda at engrande ng kasal nina Zeinab at Ray, hindi rin naiwasan ng ilang netizens na gumawa ng espekulasyon tungkol sa kanilang naging gastos dito. Ang ilan, may haka na umabot ito sa P20 milyon.
“Ako talaga nag-comment ako, ‘OA.’ Kasi masyado nilang pinapalaki. Even the cake, naging P2 million na hindi naman po talaga. And hindi po umabot ng P20 million 'yung wedding namin,” sabi ni Zeinab.
Sinabi ng couple na blessing ang kanilang location at set design ng kanilang kasal, at pinasalamatan din nila ang kanilang ninong.
May reaksyon din si Ray tungkol sa puna ng netizens.
“To be honest, na-humble po ako and blessed at the same time kasi po ganu’n po na po kataas ang tingin nila sa amin. Pero ‘yun nga po, hindi naman gumastos ng P20 million po. Pero blessed kami na na-present namin 'yung elegance and 'yung wedding na gano'n at saka standard.”
Ayon kay Ray, “Happy wife, happy life.”
Ikinasal sina Zeinab at Ray noong Hunyo 1 sa Tagaytay. Kasama sa kanilang guests sina Hans Sy, Yassi Pressman, Toni Gonzaga, Paul Soriano, Alex Gonzaga, and Awra Briguela.
Nag-propose si Ray kay Zeinab noong Hulyo 2024. Setyembre noong taon ding iyon, si Zeinab naman ang nag-propose sa basketball player sa Japan. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
