Matapos ma-engaged noong nakaraang taon, ikinasal na nitong Hunyo sina Zeinab Harake at Ray Parks Jr. Ang content creator, sinagot ang tanong kung buntis siya.

“Zeinab, are you pregnant?” diretsahang tanong ni Tito Boy sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.

“No! Saan galing ‘yan?” natatawang sagot ni Zeinab kasama ang asawa na niya ngayong si Ray sa guesting nila sa programa.

Inilahad din nina Zeinab at Ray ang matamis na pangako nila sa isa’t isa.

“Promise ko sa kaniya, is forever akong magiging great wife and mom sa aming future magiging kids at sa aming dalawang anak,” mensahe ni Zeinab kay Ray.

“Nangangako ako na mamahalin kita to the ups and to the downs and parati kitang susuportahan, and will always have your back. At hinding hindi ka matatakot na may gawin akong kalokohan. I will remain faithful,” mensahe naman ni Ray kay Zeinab.

Mula sa pagiging magkaibigan, nagsimula silang makaramdam ng spark sa isa’t isa sa pangatlo nilang pagkikita.

“Nagkaroon na ng intimacy kumbaga sa third. Kaya na-consider po namin na date talaga,” ayon kay Ray.

“Pero, bebe ko pa lang siya. Bini-bebe ko lang kasi sabi ko, hindi ako ready pumasok sa relasyon. I'm very honest naman talaga sa kaniya from the start na I'm not looking for love at the moment. So, talagang bine-bebe-bebe ko lang siya. Pakilig lang ako. Uy, pakilig. Pero, hindi ko naman alam na itu-twist pala ni God ‘yung story,” sabi naman ni Zeinab.

Pagkatapos ng tatlo nilang pagkikita, lumipad pa-Japan si Zeinab, kung saan naglalaro sa B. League si Ray. Mula Nagoya, pumunta ng Tokyo si Ray para kitain si Zeinab.

Pag-uwi ni Zeinab sa Pilipinas, sinimulan na ni Ray ang panunuyo sa kaniya.

“Ako ‘yung nangungulit, ako ‘yung nanggugulo sa kaniya,” pag-amin ni Ray.

Inamin ni Zeinab na hindi pa siya handa sa pag-ibig noon. 

“Takot lang din ako kasi basketball player, sa abroad nagtatrabaho, hindi naman siya pangit. Feeling ko, nakakatakot. Parang may gano'n akong takot na puwede akong lokohin o kaya baka madaming girls. Pero pinatunayan naman po niyang wala,” anang content creator.

“Actually, nonchalant ako noon noong first months na magkausap, sobra po. Hindi ko rin pinapakita sa kaniya na may motibo ako or anything. Like, wall kung wall,” dagdag ni Zeinab.

Ngunit si Ray, nagpursigi sa panunuyo kay Zeinab.

“Hindi ko po talaga tinigilan. Actually, alam ko po na may wall lang siya kasi sa mga pinagdadaanan niya at the time. Pero, na-love po talaga ako sa puso niya kasi sobrang genuine ang heart niya. And alam kong may pinagdadaanan na talaga siya,” saad ng basketball player.

Sinabi ni Ray na sa unang kita pa lang niya kay Zeinab, nagustuhan na niya agad ito.

“For me, the first time I met her, sinabi ko, she handled herself with so much grace and class. And I wanted to get to know her better.” 

Ikinasal sina Zeinab at Ray sa Tagaytay noong Hunyo 1. Ang anak ni Zeinab na si Lucas ang ring bearer, samantalang si Bia naman ang flower girl.

Nag-propose si Ray kay Zeinab noong Hulyo 2024. Si Zeinab naman, nag-propose rin kay Ray Setyembre ng nakaraang taon.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News