Inihayag nina Shuvee Etrata at Klarisse de Guzman, na mas kilala sa kanilang duo na “ShuKla,” ang duo na tingin nilang karapat-dapat sa Big Four ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition.”
Sa kanilang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, tinanong ni Tito Boy sina Shuvee at Klarisse kung sino ang duo na tingin nilang “hindi karapat-dapat.”
“Lahat po sila deserving…” nakangiting sagot ni Shuvee na tila iniwasang sagutin ang tanong.
“Pero para sa akin po ang pinagpi-pray ko po na sana makapasok na next duo is ‘BreKa’ (Brent Manalo at Mika Salamanca),” sabi naman ni Klarisse.
Para kay Klarisse, ang duo nina Brent at Mika ang duo na nagpapakita ng halimbawa ng tunay na collaboration o pagtutulungan.
“Kasi grabe po sila, hindi lang po sa task, makikita mo ‘yung collaboration nila, kung paano nila tinutulungan po isa't isa sa personal lives. ‘Pag may problema [ang] isa't isa,” ani Klarisse.
Si Shuvee naman, nasaksihan ang paglago nina Brent at Mika.
“Sobrang ang daming growth po na napakita ng dalawang ‘yun sa loob ng bahay,” sabi ni Shuvee.
Bago nito, una nang nakapasok ang duo nina Charlie Fleming at Esnyr, na sinundan nina Will Ashley at Ralph De Leon.
Napanonood ang mga bagong episode ng "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network mula Lunes hanggang Sabado ng 9:35 p.m.—FRJ, GMA Integrated News
