Inihayag ni Klarisse de Guzman na alam na niyang dadating ang pagkakataon na ilalantad niya ang kaniyang sarili bilang isang bisexual sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."

"Planado in a way," sabi ni Klarisse, na mas kilala ngayon bilang si Klang, nang tanungin siya sa “Fast Talk with Boy Abunda” kung planado ba ang paglalahad niya ng kaniyang sexual orientation and gender identity sa loob ng bahay ni Kuya

"Bago ako pumasok ng bahay, alam ko pong gagawin ko siya. I was really sure, ready po ako. Hinihintay ko na lang 'yung tamang timing para sabihin sa kanilang lahat," pagpapatuloy niya, na sinabing gusto niyang maging kumportable muna sa kapwa housemates bago siya maglantad.

Naramdaman ni Klarisse sa pagdalaw ni Michelle Dee sa loob ng “Bahay ni Kuya” na iyon ang tamang pagkakataon.

Si Michelle, na Miss Universe Philippines 2023, ang house guest ng PBB Celebrity Collab Edition noong Abril, at naglantad bilang bisexual noong Pride Month 2023.

"And nu’ng nakita ko po si Michelle, na-feel ko po na this is it," sabi ni Klang.

Nang tanungin kung bakit, sinabi ng singer na ayaw niyang magtago ng anumang sikreto kapag lumabas siya ng bahay ni Kuya.

"Gusto ko na paglabas ko ng bahay, wala na kong tinatago. Ang hirap po kasi na for the longest time, meron kang something na tinatago sa dibdib mo," sabi niya.

"And now masasabi kong I'm really happy and so proud na nagawa ko po ‘yon. And now wala na kong tinatago,” pahayag niya.

Sa confession room noong Abril, sinabi ng singer na isa siyang bisexual at sa katunayan ay may partner na siya sa loob ng apat na taon.

Ang duo nina Klang at Shuvee Etrata ang pinakabagong evictees sa PBB.

Napanonood ang mga bagong episode ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network tuwing 10 p.m. tuwing weekday at 6:15 p.m. tuwing weekend. – Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News