Inihayag ni Barbie Forteza na bahagi ng kaniyang pag-move forward at pagharap sa mga bagong hamon ang pasya niyang magpagupit ng kaniyang buhok.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, sinabi ni Barbie na paghahanda rin ito para sa kaniyang karakter na si Noreen sa upcoming murder-mystery series na “Beauty Empire.”
Ayon kay Barbie, hindi siya nag-atubili sa pagbabago sa kaniyang hairstyle para sa kaniyang karakter.
“Noreen deserves a new look. Dapat hindi niyo makita si Barbie. Alam ko sa sarili ko I’ve always had long hair. So laging mahaba ‘yung buhok ko, sabi ko ‘Paano ko maiiba si Noreen?,’” lahad niya.
“Kailangan edgy in a way, very different dapat, coming out of the box, stepping out from my comfort zone and what better way to do that than to fashion a new hair," pagpapatuloy ni Barbie.
Ayon sa aktres, ito ngayon ang kaniyang self-love era.
"When I say I'm in my self-love era, it's more of really enjoying my time and prioritizing myself at kung ano talaga ang gusto ko gawin na nagagawa ko na ngayon," dagdag niya.
Bilang bahagi ng pagmamahal sa sarili, aktibo rin si Barbie sa pagtakbo ngayong taon.
“I feel like it’s something I have control of," sabi niya. "Sa trabaho natin, nakalatag na eh... Pero something very personal that you have control of, that's what I get from running. It's an escape from reality. ‘Pag alam kong tatakbo ako, ang focus ko lang is on my pace, distance, time. Talagang limot ko ‘yung mga iniisip ko sa trabaho, ‘yung showbiz,"
Bukod dito, sumasali rin si Barbie sa mga charity fun run para makatulong sa marami pang layunin.
"So ‘yung newfound hobby ko na mahal na mahal ko, nagagamit ko pa siya to a better cause," sabi niya.
Inanunsyo rin ni Barbie na “fully-paid” na niya ang kaniyang bahay.
"Kaya when I'm saying I'm enjoying my time, it's more like, meron akong malaking responsibilidad na nagampanan ko na para sa 'kin at sa pamilya ko so ngayon, ako naman," sabi pa ng aktres. – FRJ, GMA Integrated News
