Inilahad ni Bianca De Vera na “starting over again” ang real score nila ni Dustin Yu matapos silang ma-evict sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."
Sa Unang Hirit nitong Miyerkoles, maagang nagpakilig ang duo ng “DustBia,” na mainit na sinalubong ng kanilang fans.
“Ano ang real score between Dustin and Bianca?” diretsahang tanong ng host na si Lyn Ching.
"Wala namang nagbago, mag-duo pa rin kami dito sa labas,” panimula ni Bianca.
"We're starting over again. We’re getting to know each other again outside of the house. Much more comfortable," pagpapatuloy ng Kapamilya actress.
Natanong naman si Dustin tungkol sa paper crane na ibinigay niya kay Bianca noong nasa loob sila ng Bahay ni Kuya.
"It's just assurance na paglabas namin nandito pa rin ako for her. Hindi ako mawawala," sabi ni Dustin.
Isang fan naman ang nagtanong kay Dustin tungkol sa hair tie ni Bianca na lagi niyang suot, na ibinigay ng dalaga sa kaniya noong endurance challenge noong nasa loob sila ng Bahay ni Kuya.
“I remember binigay niya sa akin ito noong magta-task na kami, last task ata namin ng endurance. Hirap na hirap na kami during that time. So ito ‘yung naging strength ko from her. Until now siyempre hidi ko siya tatanggalin,” anang binata.
Tungkol naman sa mga posible nilang proyekto, “We’ll see. "We're very, very excited what's in store for the both of us," sabi ni Bianca.
Sina Dustin at Bianca ang huling housemates na napaalis sa Bahay ni Kuya matapos matalo sa duo nina Brent Manalo and Mika Salamanca (BreKa) sa Big Jump Challenge.
Kasama na ngayon ng BreKa sa final four duo ang duo nina: Charlie Fleming at Esnyr (ChaRes), Will Ashley at Ralph De Leon (RaWi), at AZ Martinez at River Joseph (AzVer).
Sa Hulyo 5 na ang inaabangang The Big Night.
Napanonood ang mga bagong episode ng "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network Lunes hanggang Sabado ng 9:35 p.m. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
