Pinabulaanan ni Sunshine Cruz ang mga bali-balita sa social media post tungjol umano sa hiwalayan nila ni Atong Ang, na may kasama pang pananakit.

Sa Facebook, ipinost ng aktres ang screenshots ng mga post mula sa iba’t ibang accounts na nilagyan niya ng “fake news,” na naglalaman umano ng kaniyang mga isiniwalat tungkol sa relasyon nila ni Ang.

“Sharing misinformation is not advisable especially if the news comes from a questionable site. Be vigilant family and friends,” saad ni Sunshine sa caption.

Ilan sa mga post na binatikos ni Sunshine ay nagpapahiwatig na umano’y “nagsalita na” siya at humihingi ng hustisya dahil sa ginawa umanong pananakit sa kaniya.

Bukod sa pagbabahagi ng listahan ng mga dapat suriin para malaman ang pekeng balita, nag-post din si Sunshine ng isang quote card na nagsasaad na, “Don’t believe everything you read on the Internet just because there’s a picture with a quote next to it.”

Kinumpirma ni Atong ang relasyon nila ni Sunshine noong Disyembre 2024 matapos silang nakitang nag-kiss sa isang event. Gayunman, nanatiling tahimik si Sunshine tungkol dito.

Si Sunshine ay dating asawa ni Cesar Montano, at napawalang-bisa ang kanilang kasal noong 2018. Mayroon silang tatlong anak na babae na sina Angelina, Chesca, at Sam.

Samantala, dati namang naugnay si Atong sa aktres na si Gretchen Barretto.— mula sa ulat ni Carby Basina/FRJ, GMA Integrated News