Inihayag ni AZ Martinez na wala pa silang komunikasyon ng kaniyang dating nobyo na si Larkin Castor matapos ang kaniyang paglabas sa Bahay ni Kuya sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."

Handa na kaya siyang muling makipag-usap dito?

"When I got out of the house, I haven't been in contact with him. Hindi na po kami nag-usap," sabi ni AZ sa guesting nila ng kaniyang ka-final duo na si River Joseph sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles.

"Right now ang focus ko talaga is what's ahead of me, but I wish him all the best talaga," pagpapatuloy ng Sparkle star.

Binanggit ni Tito Boy ang sulat na ipinaabot ni Larkin kay AZ noong nasa loob pa siya ng Bahay ni Kuya, at umaasang muling magkakausap ang dalawa.

"Honestly, Tito Boy as of now, I'm not ready yet to talk, I wanna focus muna on... Like I'm not ready to talk to him, but like I want to focus more on myself and career," ani AZ.

Sa liham ni Larkin, inilahad niya kay AZ kung gaano siya ka-proud sa kaniya at palagi niyang pinanonood ang PBB journey nito. Sinabi rin ng binata na hindi siya sumusuko sa paghihintay sa kaniya, na dapat maging masaya si AZ, at mahal niya ito.

Makaraan ang ilang mga araw, sumulat si AZ kay Larkin bilang tugon, na sinabing handa na siyang pakawalan ito.

"Kung gusto niya pa rin maghintay Kuya, that's his choice na. Pero ayoko na po siya kontrolin, ayoko na siya pilitin, ayoko na siya habulin or guluhin pa Kuya. Kasi alam ko mas masasaktan, mas masisira lang siya if I leave him hanging," sabi ni AZ kay Kuya sa loob ng confession room.

Fourth big placers sina AZ at ka-final duo na si River Joseph sa “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition.” Ang pares nina Brent Manalo at Mika Salamanca, o BreKa, ang Big Winner duo. — BAP, GMA Integrated News