Inihayag ni American pop star na si Justin Timberlake na mayroon siyang Lyme disease, isang kondisyon na inilarawan niyang "relentlessly debilitating" ang epekto.

Ito ang ibinahagi ng 44-anyos na si Justin sa kaniyang Instagram post, matapos ang matagumpay niyang mga world tour.

"This has been the most fun, emotional, gratifying, physically demanding, and, at times, grueling experience," saad niya tungkol sa isa niyang tour na binatikos ng ilang fans dahil wala umanong sigla.

"Among other things, I've been battling some health issues, and was diagnosed with Lyme disease -— which I don't say so you feel bad for me –– but to shed some light on what I've been up against behind the scenes,” pag-amin niya.

"Living with this can be relentlessly debilitating, both mentally and physically. When I first got the diagnosis I was shocked for sure. But, at least I could understand why I would be onstage and in a massive amount of nerve pain or just feeling crazy fatigue or sickness," paglalahad pa niya.

Sa kabila nito, sinabi ng dating frontman ng NSYNC na pinili pa rin niyang magtanghal na nagdudulot sa kaniya ng kasiyahan at mas matimbang pa sa hirap na nararanasan ng kaniyang katawan.

“I’m so glad I kept going,” sabi pa niya.

Dagdag pa ni Justin, nag-alangan siya noong una na ibahagi ito sa publiko, hanggang sa maging bukas siya tungkol sa kaniyang mga pinagdadaanan para hindi ito nabibigyan ng ibang kahulugan.

“Sharing all of this with the hope that we can all find a way to be more connected. I’d like to do my part to help others experiencing this disease too,” sabi niya.

Ang Lyme disease ay dulot ng isang bacteria na kadalasang dinadala ng mga tick na naninirahan sa kakahuyan sa North America at Europe.

Kabilang sa mga sintomas nito ang pananakit, pagkapagod, at panghihina ng kalamnan sa katawan. Sa mga seryosong kaso, maaaring makaranas ang mga pasyente ng pinsala sa mga tissue, joints at immune system.

Noong nakaraang taon, inaresto at naharap sa reklamo ang "Can't Stop The Feeling" singer dahil sa pagmamaneho nang lasing sa isang bayan na malapit sa New York.

Kalaunang ay naghain siya ng guilty plea para sa mas mababang kaso at inatasan ng korte na magsagawa ng community service.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News