Hiniling ni Brent Manalo kay Mika Salamanca na maka-date niya sa GMA Gala sa darating na Sabado. Pumayag kaya ang aktres?

Sa Instagram post, ibinahagi ni Mika ang mga larawan habang hawak ang bouquet of roses na may nakasulat na, “O eto na. Gala?”

May nakasaad sa sulat na “B.”

“Pagisipan ko,” saad ni Mika sa caption nan aka-tagged si Brent.

Ni-repost naman ni Brent sa kaniyang Instagram Story ang post ni Mika.

Ang tambalan nina ni Mika at Brent o MikBrent ang first Big Duo winners sa nakaraang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition.”

 

 

Ang pera na kanilang napanalunan, ibinigay nila sa charity.

Gaganapin sa Sabado, Aug. 2 ang star-studded GMA Gala na isa ring charity event, na nasa ika-apat na taon na ngayon.

Sa pre-GMA Gala 2025 dinner noong July 24, nakalikom ang GMA Network ng P2.5 milyon na donasyon na ibinigay naman sa GMA Kapuso Foundation, na gagamitin para matulungan ang mga nasalanta ng mga bagyo at Habagat. — mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ GMA Integrated News