Inihayag ng Asia’s Nightingale na si Lani Misalucha kung bakit hindi niya pinasok noon ang pag-aartista. Pero kung may mag-aalok, gusto raw niyang gampanan ang karakter ng isang “mahaderang kontrabida.” Sino naman kaya ang gusto niyang makasampalan sa eksena? Alamin.

“Simple lang ang sagot [kung bakit hindi siya nag-artista noon]. Walang gustong kumuha sa akin,” birong sagot ni Lani sa press conference ng kaniyang 40th anniversary concert na “Still Lani.”

“Hindi kasi ‘di ba minsan kapag meron kang iniisip, ‘yun 'yung mangyayari, ‘di ba?,” paliwanag niya.

Pagbabalik-tanaw ni Lani, mga 2000 o 2001 nang magkaroon siya ng kaniyang kauna-unahang stage concert sa Araneta Coliseum, na napuno na agad ng audience kahit hindi pa ganoon kasikat ang kaniyang pangalan.

Paliwanag pa niya, abala siya sa noon sa kaniyang mga anak, pati na rin sa kaniyang singing career.

“'Yung time na ‘yon, maliliit pa ang anak ko noon. Isa seven, isa mag-10. So talagang iniisip ko na ito pa lang sa singing pa lang… meron akong, SOP (dating GMA variety show) pa nu’n, ‘di ba? So doon pa lang alone, busy na ko, eh nanay na ako nu’n, ang liliit pa ng mga anak ko,” patuloy niya.

Sabi ni Lani, “As in, ito ang iniisip ko. ‘Ayokong mag-artista.’ Eh ‘di walang lumapit sa akin. Kaya kung ano ‘yung iniisip mo, ‘yun 'yung mangyayari.”

Hindi man napanood na umarte sa mga pelikula o teleserye, si Lani naman ang tinig sa likod ng maraming theme songs.

Ngunit kung bibigyan ng pagkakataon na umarte, nais ni Lani ang kontrabida role.

“Kung may mag-offer sa akin gusto ko kontrabida ako,” saad niya. “”Malditang kontrabida na makapal ang makeup, mataas ang buhok, at may malalaking alahas na parang mahadera.”

Nang tanungin kung sino ang nais niyang makasampalan sa eksena, napaisip si Lani hanggang sa may mag-suggest ng pangalan nina Regine Velasquez at AiAi delas Alas.

“Si AiAi (delas Alas) na lang at least, kilalang kilala ako ni AiAi,” sabi ng OPM singer.

Gaganapin ang concert ni Lani na “Still Lani” sa Agosto 21, 2025, 8 p.m. sa The Theatre at Solaire sa Parañaque City. – FRJ GMA Integrated News